Laro ngayon
Araneta Coliseum
3 p.m. UST vs. NU
Magamit ang taglay nilang bentaheng twice-to-beat upang pormal na makapasok sa finals ang tatangkain ng University of Santo Tomas (UST) sa kanilang paghaharap ng defending champion National University (NU) sa Final Four round ngayong hapon ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Kahapon, habang isinasara ang pahinang ito ay nagtutuos ang second seed Far Eastern University (FEU) at ang third seed Ateneo para sa unang Finals slot.
Gaya ng Tamaraws, kailangan lamang ng top seed Tigers ng isang panalo upang pormal na makapasok ng Finals.
Kung sakali, ito ang magiging ikatlong pagkakataon sa nakalipas na apat na taon na sasalta ang Espana-based dribblers sa kampeonato.
Subalit sa naunang dalawa, noong 2011 at 2013, kapwa lower seed ang Tigers kumpara ngayon kung saan sila ang topseed.
Ganap na ikatlo ng hapon magsisimula ang salpukan ng dalawang koponan at hangad ng Bulldogs na maulit ang kanilang ginawa noong nakaraang taon kung saan tinalo nila ng dalawang beses ang Ateneo para makapasok ng finals at maangkin ang titulo kontra FEU.
Batid kung gaano kadelikado kalaban ang NU, nagpaalala si UST coach Bong de la Cruz sampu ng kanilang beteranong Cameroonian canter na si Karim Abdul na hindi garantiya ang pagkakaroon nila ng bentaheng twice-to-beat para makapasok ng Finals.
“It’s just the start. We are not aiming to be just there. We are aiming for the finals,” pahayag ni Abdul na gustong tapusin ang kanyang paglalaro sa UAAP sa pamamagitan ng pagbibigay muli sa UST ng titulo.
“Kahit sino malakas. Ang kailangan namin is ’yung sarili namin, maging healthy at makapag-prepare kami ng tama,” pahayag naman ni Dela Cruz.
Para naman kay NU coach Eric Altamirano, sisikapin nilang gawing pundasyon ang nabuo nilang karakter ng koponan na malaki ang ipinagkaiba noong nakaraang taon upang maabot nila ang nais nilang marating.
“This is a completely different team from last year. There’s a lot of birth pains but whatever we are feeling right now will develop our character. We will continue to improve and work on our game and hopefully, we will be ready wherever we will be going,” ani Altamirano. (Marivic Awitan)