Muling nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na may karampatang parusa ang pagbibiro tungkol sa bomba, lalo na sa matataong lugar, dahil maaari itong magdulot ng sakuna sa posibleng pagpa-panic ng mga tao.

Ito ay matapos na ipasok sa detention cell ng Pasay City Police ang isang 35-anyos na driver na nasampolan sa pagbibiro niyang “may itinanim na bomba sa loob ng kanyang bag” habang sumasailalim siya sa inspeksiyon sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 station sa Pasay City, nitong Huwebes ng umaga.

Labis ang pagsisisi ni Rudy Gaid Jr., ng No. 5527-B, panulukan ng Dallas at Binay Streets sa Barangay Bangkal, Makati City, tungkol sa pagbibiro niya tungkol sa bomba.

Sa ulat na tinanggap ni Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 6:05 ng umaga nang maisipan ni Gaid na biruin ang lady guard na si Jenesa Pradilla, sa LRT Line 1-EDSA station.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nagpapatrulya si Pradilla sa loob ng naturang istasyon nang dumaan si Gaid bitbit ang isang bag at biglang sumigaw na may laman umano itong bomba, na nagdulot ng takot sa mga pasahero ng LRT.

Agad hinuli ni Pradilla si Gaid at dinala sa himpilan ng pulisya, kahit pa agad na umamin si Gaid na nagbibiro lang siya.

Nabatid na kagagaling lang ni Gaid sa magdamag na pamamasada at pauwi na nang mangyari ang insidente. (Bella Gamotea)