Unang sumalang sa matinding pagsubok ang Asian Games veteran na si Nestor Colonia sa paghahangad nitong makapagkuwalipika sa mailap na 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Olympics qualifying event na 82nd Men’s and 25th Women’s World Weightlifting Championships sa George R. Brown Convention Center sa Houston, Texas.
Habang isinusulat ito ay nakatakdang buhatin ni Colonia ganap na 3:00 ng hapon, (Houston Time) Nobyembre 21, ang pinakaaasam na silya kontra sa 42 iba pang kasaling bansa na inaasam din na makatuntong sa prestihiyosong kada apat na taong Olimpiada.
Si Colonia ay nasa ikaapat na puwesto sa Class A category ng Men’s 56kg division kung saan asam nito na lampasan ang kanyang kabuuang nabuhat na 280kg para masungkit ang nakatayang tatlong silya para makapagkuwalipika sa Olimpiada sa Brazil.
Nasa ikalima naman si Colonia sa kasalukuyang ranking para sa men’s 56kg., kung saan nangunguna si Jingbiao Wu ng China na may total lift na 295kg. Kasunod nito si Yun Chol Om ng PR Korea na may 293kg. Ikatlo naman si Qingquan Long na may 290kg.
May pares na total lift sina Chin-Yi Yang ng Taipei at Colonia na may 280kg. Nakatakda namang sumalang ngayong hapon ang 2-time Olympian na si Hidilyn Diaz, na nakatuon sa kasaysayan bilang unang Pilipino na nakalahok sa tatlong sunod na edisyon ng Olympiada sa pagsabak nito sa 53kg category kung saan ay ikatlo ito sa listahan.
Ikatlo si Diaz sa ranking sa kabuuang kasaling 41 na lifter sa kategorya kung saan hangad nito na iangat ang 100kg sa snatch at mas mataas sa 120kg sa clean and jerk upang lampasan ang personal best nito na 220kg.
Tatlong gintong medalya ang nakataya sa bawat kategroya sa IWF World Championships kung saan isa ang para sa snatch, isa sa clean and jert at isa para sa kabuuang nabuhat na biga.
Sa kabuuan ay mayroong siyam na medalyang pinaglalabanan kada kategorya kung saan tanging kailangan nina Diaz at Colonia na makapagwagi ng alinman medalya upang makapagkuwalipika sa susunod na taong Rio Olympics. (ANGIE OREDO)