Sari-saring kontrabando, gaya ng mga baril, patalim, electronic gadget, appliances, cell phone, drug paraphernalia at isang remote control toy mini chopper ang nakumpiska sa ikaapat na pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa isang quadrant ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay BuCor Director (Ret.) Lt. Gen. Rainier Cruz III, dakong 5:00 ng umaga nang suyurin ng BuCor personnel ang Quadrant 4 ng Maximum Security Compound ng NBP, na roon nakapiit ang mahigit 1,000 bilanggo.
Tumagal ng limang oras ang pagsuyod ng awtoridad sa mga brigada na kinabibilangan ng pangkat ng Sigue Sigue Sputnik, Commando at Genuine Ilocano Group (GIG).
Hinalughog din ng mga tauhan ng BuCor ang Building 14, na roon nakapiit ang 53 high-profile inmate, kabilang si Jayvee Sebastian na leader ng Commando Gang.
Kabilang sa mga kontrabandong nakumpiska sa Building 9 ang isang remote control toy helicopter, refrigerator, flat screen TV at TV antenna, signal booster, microwave, stereo component, dalawang .38 caliber revolver, isang Norinco .45 caliber pistol, isang improvised shot gun, at mga bala.
Narekober naman sa Building 14 ang isang patalim, plain card, ilang flat screen TV, maliit na refrigerator at electronic gadgets.
Sinisikap naman ng BuCor na tukuyin kung kanino ang mga nakumpiskang kontrabando habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon.
Hindi tulad ng mga nakaraang pagsalakay, bigo naman ang awtoridad na makakumpiska ng ilegal na droga tulad ng shabu sa loob ng nasabing quadrant. (BELLA GAMOTEA)