NAGLALAKAD ang dalawang magkaibigan, isang pari at isang gumagawa ng sabon. Sinabi ng gumagawa ng sabon, “Anong mabuting dulot ng religion, Father?” Tingnan mo ang laganap na kaguluhan at kalungkutan sa mundo matapos ang libu-libong taon na pagtuturo ng kabutihan, katotohanan at kapayapaan, at walang tigil na panalangin at sermon.”
Walang sinagot ang pari. Patuloy silang naglakad hanggang sa nakita nila ang mga batang naglalaro sa maputik na kanal.
Sinabi ng pari, “Tingnan mo ang mga batang iyon. Sabi mo, ang sabon ang nakakapagpalinis sa tao, ngunit tingnan mo ang dumi sa kanilang katawan. Anong dulot ng sabon?
Sumagot ang gumagawa ng sabon at sinabing, “Pero Father, walang silbi ang sabon hanggat hindi ito ginagamit.” “Ahh tama,” sagot ng pari. “Kaya nasa sa Kristiyano o anumang relihiyon ito nakadepende. Hindi epektibo ang isang relihiyon kung hindi isinasabuhay ang mga itinuturo.” dugtong na paliwanag ng pari.
Sa ating pagninilay sa Kapistahan ng Kristong Hari, nang dumating si Kristo sa mundo, itinatag niya ang kanyang kaharian na binubuo ng “justice, love and peace” (Preface of Christ the King feast). Ngunit ipinaubaya na Niya sa atin ang pagkukumpleto rito. Sa ating panalangin, ating ibinibigkas: “Mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo ditto sa lupa para nang sa langit.”
Maaari nating ihambing ang kaharian ng Diyos sa isang halaman. Itinanim ni Jesus ang halaman (kaharian) sa lupa.
Ngunit ipinaubaya na Niya sa atin ang pagpapayabong, pagpapataba at pagdidilig sa halaman.
Ngunit kung titingnan natin ang ating paligid, nakikita natin ang laganap na krimen, pandurukot, korupsyon sa gobyerno at pribadong sektor.
Sa madaling sabi, gaano karami ang namumuhay na naaayon sa utos ng Diyos? “Huwag kang papatay.” ”Huwag kang magnanakaw.” “Huwag kang magsasabi ng hindi totoo laban sa iyong kapwa.” At marami pang iba.
Bakit napagtatanto na mahina ang kaharian ng Diyos? At bakit ang kaharian ni Satanas ay tila makapangyarihan at laganap?
Ang sagot ay dahil hindi natin ginagampanan ng tama an gating mga tungkulin sa pagkukumpleto ng kaharian na siyang dapat nating ginagawa. (Fr. Bel San Luis, SVD)