Napatay ang isang pinaghihinalaang leader ng Abu Sayyaf Group makaraang makipagbakbakan sa mga tauhan ng Joint Task Force sa Sitangkai, Tawi-Tawi, iniulat ng militar kahapon.

Batay sa report ng Joint Task Force ZAMBASULTA Chief of Staff Capt. Roy Vincent Trinidad, kinilala lamang ang biktima sa alyas na “Said.”

Sinabi ni Trinidad na dakong 10:00 ng umaga nangyari ang sagupaan sa Sitio Baligtang Asibi sa Barangay Sipangkot, Sitangkai, Tawi-Tawi.

Si Said ay tauhan umano ni ASG sub-leader Alhabsy Misaya at ni Idang Susukan, na kumikilos sa Tawi-Tawi, at sa isla ng Sabah, at sa iba pang lugar sa Malaysia.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasama umano si Said sa Sipadan kidnapping noong 2000.

Ibinibintang din kay Said ang pagdukot kay Precillano Garcia, isang mining finance officer, na kalaunan ay pinalaya rin matapos magbayad ng ransom sa Tawi-Tawi.

May mga warrant of arrest na inilabas ang korte laban sa suspek na may kaugnayan sa mga kasong murder at attempted kidnapping, na kanyang kinahaharap.

Patuloy naman ang pagtugis ng militar sa mga nalalabing miyembro ng Abu Sayyaf na tumakas makaraang mapatay ang kanilang leader. (Fer Taboy)