Pinarangalan ng pamahalaang lungsod, sa pamumuno ni acting Mayor Romulo “Kid” Peña, ang limang barangay sa Makati City bilang “most child-friendly”sa seremonya sa city hall, nitong Biyernes.

Kabilang sa limang barangay na ito ay ang East Rembo, na sa pamumuno ni Artemio Contreras ay nasungkit ang Category A; habang ang Guadalupe Viejo, ni Dennis Almario, ay nanalo sa Category B.

Ang iba pang mga barangay na pinarangalan ay ang South Cembo, sa ilalim ni Richard Raymund Rodriguez, Category C; Kasiwalan, ni Kristine Mae Casal-Reyes, Category D; at San Lorenzo Village, ni Ernesto Moya, Category E.

Pinangunahan ni Peña ang awarding ceremony para sa “Most Child-Friendly Barangay” ng Makati City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binigyang-diin ng Makati OIC na bilang mga “front liner” sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan, malaki ang papel na ginagampanan ng bawat barangay sa paghuhubog, hindi lang ng kinabukasan, kundi maging ng kapakanan ng kabataan.

Aniya, mahalaga na pinoproteksiyunan ng mga barangay leader ang karapatan ng kabataan at ilayo ang mga ito sa anumang pang-aabuso.

Ang bawat barangay na nagwagi ay tumanggap ng P100,000 premyo, isang tropeo at isang marker na may katagang “Most Child-Friendly Barangay of Makati for 2015.” (Anna Liza Villas-Alavaren)