Kabuuang 12 kabataang atleta lamang ang isasabak ng Pilipinas sa 18 events sa athletics sa paglahok nito sa ika-7th edisyon ng kada taon na ASEAN Schools Games na gaganapin sa Bandar Seri Begawan, Brunei simula Nobyembre 21 hanggang 29, 2015.
Ang 12 kabataan ay binubuo nina Martin Esteban na sasabak sa Long Jump at Triple Jump, si McLord Cabalonga na tatakbo sa 1500 at 2KS, si Jerry Belibestre sa Long Jump, si Maverick Machino sa 800m run, si Roger Dumaguit sa 110m Hurdles at si Angel Carino sa Long Jump at Triple Jump.
Ang iba pang sasali ay sina Karen Janario sa girls 100m Hurdles, si Rosemari Olovida sa girls Long Jump, si Feiza Lenton sa girls 400m run, si Jieann Calis sa girls 800m at 1500m, si Anjelica De Josef sa 400m at 800m at si Gilbert Rutaquio sa 1500m at 2KS.
Ikinagulat naman ng ilang coaches ang pagkakapili sa mga kabataang isasabak sa torneo. Una ng inireklamo ng mga coach ang walang kasiguraduhan na partisipasyon ng Pilipinas bago na lamang nasorpresa sa listahan ng delegasyon na magpapartisipa sa kada taong torneo.
Pitong sports lamang ang nakatakdang paglabanan ngayong taon sa torneo na mas mababa ng apat sa ginanap na ika-6th na edisyon noong nakaraang taon sa Marikina City sa Pilipinas. Ito ay binubuo ng athletics, badminton, golf, netball, pencak silat, sepaktakraw at swimming.
Tanging sa athletics lamang lalahok ang Pilipinas.
Matatandaan na tinanghal na kampeon sa ikaanim na edisyon ang Malaysia sa iniuwi nitong kabuuang 41 ginto, 34 pilak at 30 tanso para sa kabuuang 105 medalya. Ikalawa ang Thailand (35-29-36= 100) habang ikatlo naman ang Indonesia (15-31-30=76).
Ikaapat ang Pilipinas sa 11 ginto, 14 pilak at 22 tanso para sa kabuuang 47 medalya. Kasunod nito ang Vietnam (11-6-6= 23),Singapore (10-10-19= 39) at Brunei (0-1-3= 4).
Magsasagupa naman ang mga atleta mula sa Brunei, Cambodia,Laos, Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam. Ang Brunei ay may isasabak na 85 atleta, Indonesia (95), Malaysia (122), Singapore (97), at Thailand (112).
Ito naman ang unang pagkakataon na magsisilbing host ang Bandar Seri Begawan sa torneo na para sa Under-18 atleta at edstudyante mula sa walong miyembrong bansa sa ASEAN. (ANGIE OREDO)