ANG World Television Day ay ipinagdiriwang ng buong mundo tuwing Nobyembre 21 ng bawat taon upang bigyang-diin ang lumalaking epekto ng paglikha ng mga desisyon at ang kahalagahan nito sa kalakalan at ekonomiya, at sa pagsulong ng lipunan at kultura sa mga bansa.

Ginugunita sa petsang ito ang unang World Television Forum noong 1996, nang magtipun-tipon ang mga pangunahing personalidad sa media, sa suporta ng United Nations (UN), upang talakayin ang lumalaking importansiya ng telebisyon sa nagbabagong mundo, maaari nang isahimpapawid ngayon ng telebisyon ang malalaking pagbabago sa mundo habang nangyayari ito, at kung paano nito maisusulong ang pagtutulungan.

Kinikilala ng UN ang kahalagahan ng TV Broadcasting bilang pangunahing paraan ng komunikasyon at pinaka-karaniwang daan sa impormasyon para sa masa. Ipinagdiriwang ng mga estadong miyembro ng UN ang araw na ito sa pagsasahimpapawid ng mga impormasyon tungkol sa mga usapin ng kapayapaan, seguridad, kagalingang pang-ekonomiya at panlipunan, pagpapalitan ng kultura, at usaping pang-kalikasan. Tinuturuan ng telebisyon ang mga tao, isinusulong ang pagkakaiba-iba ng kultura, at ipiniprisinta ang mga pandaigdigang usapin; hinuhubog ang mga buhay at mga pangyayari, pinauunlad ang mga ekonomiya at kultura, at tumutulong na maresolba ang pagkakaiba ng mga gobyerno at mga kultura.

Sinusuportahan ng mga samahan ng mga broadcaster sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang sa Pilipinas, ang mga inisyatibo ng UN upang igalang ang medium na napapagitna sa buhay ng milyun-milyong tao. Sa pagresolba sa mahahalagang usapin na kinahaharap ng sangkatauhan, katuwang ng UN ang telebisyon sa pagbibigay ng atensiyon ng mundo sa mga usaping ito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Simula nang maimbento noong 1900s, naging pangkaraniwang gamit na sa mga tahanan, negosyo, at institusyon ang TV set, nagsisilbing daan sa pag-aanunsiyo, komunikasyon, aliwan at balita, at kulturang pang-tahanan. Noong 1950s, ang telebisyon ang pangunahing medium sa paghuhubog ng opinyon ng publiko. Noong 1970s, ang pagkakaroon ng mga video cassette, laser discs, at DVDs ay nagresulta sa paggamit sa TV set upang mag-record ng napapanood at bilang gamit sa pagsasahimpapawid. Kalaunan, ang telebisyon ay mapapanood na rin sa pamamagitan ng Internet, at saklaw ang malawak na programming na nakalilibang, nagbibigay ng impormasyon at nagtuturo sa mga manonood.

Ang industriya ng telebisyon sa Pilipinas ay isa sa pinakamasisigla at pinamaiimpluwensiyang intrumento ng komunikasyon sa masa at pamamahagi ng impormasyon. Ang unang opisyal na telecast ay 62 taon na ang nakalipas noong Oktubre 23, 1953, sa paglulunsad ng DZAQ-TV Channel 3. Lumago na ang industriya sa bawat aspeto nito. Batay sa datos ng National Telecommunications Commission, may 1,637 TV broadcast station sa bansa sa ngayon, na 388 sa mga ito ay istasyon ng telebisyon, 48 ang relay station, 55 ang translator station, at 1,136 ang cable station, na nagkakaloob ng mga kuwentong balita at entertainment tungkol sa nangyayari sa lokalidad, sa bansa, at sa daigdig.