LEGAZPI CITY - Muling itatanghal ng Albay sa susunod na buwan ang Karangahan Green Christmas Festival nito, at mahigpit na ipagbabawal ang paputok at paggamit ng plastic, kasabay ng kampanya nitong pangkapaligiran at zero casualty.

Ang Karangahan ay mula salitang Bicolano na “ranga” na ang ibig sabihin ay kaiga-igayang kasiyahan na may kalakip na malalim na paggalang at pagpapahalaga.

Nasa ikaanim na taon na ngayon ang Karangahan Festival, at gaya ng dati ay tatampukan ito ng isang higanteng Christmas Tree — na ngayon ay gawa naman sa Karagumoy, na ginagamit sa paggawa ng banig, sombrero, basket at iba pang handicraft.

Iniutos kamakailan ni Albay Gov. Joey Salceda sa mga pinuno ng mga tanggapan at mga kawani ng kapitolyo, sa pamamagitan ng isang memorandum, na “tiyakin ang ligtas at masayang pagdiriwang” ng Pasko kasama ang mga pamilya, mga kaibigan at mga turista.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa naturang memorandum, binigyang diin ng gobernador na mahalagang layunin ng Green Christmas ang zero casualty sa paputok at pagsulong ng kasayahan na walang gaanong polusyon. Ang Karangahan Festival ay malaking suporta sa mga programang Climate Change Adaptation at Disaster Risk Reduction (CCA-DRR) ng Albay, at nagbubunsod pa ng masiglang turismo sa lalawigan.

Para sa Green Christmas, mahigpit na ipinagbabawal ang mga paputok at paggamit ng plastik sa mga dekorasyon at pambalot ng pagkain, at sa halip ay isinusulong ang paggamit ng mga organiko at katutubong materyales.