NATAPOS na rin ang makasaysayang pagpupulong ng mga lider ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) subalit ang bangungot na nilikha nito ay mananatiling multo sa maraming sektor ng mamamayan, lalo na ng mga nagdarahop sa buhay.

Ang ipinangangalandakang kapakinabangang pangkabuhayan o economic benefit na ibubunga ng APEC ay pinaglaho ng matinding abala sa sambayanan.

Sino ang hindi manggagalaiti, halimbawa, sa halos hindi gumagalaw na mga sasakyan sa mga lugar na malapit sa pinagdausan ng APEC summit; isinara sa mga motorista ang maraming kalsada. Naparalisa ang mahahalagang lakad ng taumbayan at nalagay sa panganib ang buhay ng ilan – tulad ng isang ginang na nanganak na sa kalsada.

At sinong karaniwang daily wage earners ang hindi magagalit sa pagpapatupad ng patakarang “no work, no pay”? Wala silang kinita sa loob ng mahabang pista opisyal na idineklara ng gobyerno dahil nga sa APEC; nagutom ang kani-kanilang pamilya.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoong dapat lamang natin ipamalas ang mabuting pagtanggap sa ating mga panauhin, lalo na sa mga dayuhan. Nakilala tayo sa buong daigdig dahil sa bantog na Filipino hospitality.

Subalit tila wala yata sa lugar ang pagpapatupad ng nasabing kaugaliang Pinoy. Isipin na dahil dito, halos utusan ang sambayanan na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan upang makaiwas sa matinding abala sa mga lugar na dadaanan ng APEC delegates. Pati ang mga naninirahan sa Intramuros ay sinabihan umano na huwag lumabas ng kanilang bahay dahil sa pagbisita roon ng mga ginang ng mga lider. Hindi ba ang ganitong estratehiya ay mistulang pagsikil sa karapatang kumilos o freedom of movement ng sambayanan?

Totoo rin na nailatag sa APEC meet ang mga makabuluhang paraan sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa Asia at sa Pacific, kabilang na ang ibang bansa na may mga problema rin sa kabuhayan. Ang pagpapalawak at pamumuhunan dito ng malalaking negosyante ay isang higanteng hakbang tungo sa kapakinabangan ng milyun-milyong Pilipino.

Natitiyak ko na darating ang naturang economic benefits. Habang naghihintay, tayo ay mananatiling nakatunganga.

(CELO LAGMAY)