NAKIPAGPALIGSAHAN sa APEC Leaders Summit bilang pangunahing balita nitong Miyerkules ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagbabasura sa kasong diskuwalipikasyon na inihain laban kay Senator Grace Poe. “Poe wins Round 1” saad sa isang pahayagan. Tumpak ito—unang round pa lang ng laban, na marami pang round ang kakailanganing mapagtagumpayan bago tuluyang makahinga nang maluwag ang senadora.
Ang SET—na binubuo ng tatlong mahistrado ng Korte Suprema at anim na senador, na may senior justice bilang chairman—ay bumoto ng 5-4 upang ibasura ang petisyon na idiskuwalipika si Poe bilang senador sa usapin ng umano’y kawalan nito ng natural-born citizenship. Sa unang bahagi ng kaso, isinantabi ng SET ang usapin sa residency, dahil ang panahon ng paghahain ng mga kaso para sa residency protest ay tapos na—at minabuting tutukan na lang ang mga kaso sa citizenship.
Diretsahan naman si SET chairman, Justice Antonio Carpio, sa pagsasabi ng kanyang opinyon na hindi maaaring ikonsiderang isang “natural-born” citizen si Poe dahil walang nakababatid kung sino ang mga tunay niyang magulang.
Walang dudang isa siyang mamamayan, ngunit partikular na hinihiling ng Konstitusyon na ang isang kumakandidato sa Senado ay dapat na “natural-born”. Ang puntong legal na ito ay malinaw na kinakatigan ng tatlong mahistrado ng Korte Suprema na nasa Senate Electoral Tribunal. Lima sa anim na senador, gayunman, ang mistulang nagpasya batay sa dikta ng pulitika.
Ito ay Round 1. Maaaring may maghain ng motion for reconsideration ngunit hindi na nito mababago ang botohan. Ang susunod na round ay sa Korte Suprema naman, na rito iaapela ang pasya ng SET. Sa Round 2, ang pasya ay gagawin ng 15 mahistrado na inatasang ipatupad ang Konstitusyon.
At mayroon pang Round 3. May petisyong inihain sa Commission on Elections (Comelec), nananawagan sa komisyon na ibasura ang certificate of candidacy para sa pagkapangulo ng senadora sa Mayo 2016. Ang usapin pa rin ng “natural-born citizenship” ang pagdedesisyunan, gayundin ang residence requirement na 10 taon para sa isang kandidato sa pagkapresidente. Kung anuman ang mapagpapasyahan ng Comelec, tiyak na idudulog ito sa Korte Suprema ng sinumang partido na mabibigo sa Comelec.
Sa huli, ang Korte Suprema pa rin ang magdedesisyon sa mga konsiderasyong legal at constitutional—sa halip na pulitikal. Gayunman, may mga umaasang ang mga round na ito ay aabutin ng maraming buwan. At habang wala pang pinal na desisyon sa petisyon, mananatiling kandidato sa pagkapangulo si Senador Poe sa eleksiyon sa Mayo. Kung sakaling mananalo siya, ayon sa kanilang inaasahan, ito ay magiging “vox populi, vox Dei”—ang tinig ng mamamayan ay ang tinig ng Diyos.
Kontra sa inaasam na ito ang puntong legal ng usapin sa diskuwalipikasyon laban kay Poe—dahil may probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing tanging isang “natural-born citizen” ang maaaring mahalal na pangulo o senador o kongresista. Hindi makatarungan na ang isang gaya ni Senador Poe ay pagbawalang maluklok sa mataas na posisyon sa gobyerno, ngunit nariyan ang constitutional provision.
Tunay na marami pang round ang sasabakan sa labanang pulitikal na ito at umasa tayong hindi ito magbunsod ng ating pagkakawatak-watak. Kailangang makahanap tayo ng solusyon na patas, at kasabay nito ay mapanatili ang mga legal na batayan ng ating republika.