Dumating na ang pagkakataon nina 2-time Olympian Hidilyn Diaz at Asian Games veteran Nestor Colonia upang maging ikalawa at ikatlong Pilipinong atleta na makakapagkuwalipika sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games kasunod ng trackster na Fil-Am na si Eric Shauwn Cray.
Sasabak ngayong Sabado ng hapon ang 2008 Beijing at 2012 London Olympian na si Diaz habang bukas, Linggo, si Colonia para sa inaasam na silya sa krusyal na Olympics qualifying event na 82nd Men’s and 25th Women’s World Weightlifting Championships sa George R. Brown Convention Center sa Houston, Texas.
Maagang nagtungo sina Diaz at Colonia sa Houston noong Nobyembre 15 hindi lamang para makondisyon sa kapaligiran bago sumabak at hablutin ang napakailap na silya sa Olimpiada kundi upang obserbahan na rin ang kanilang mga makakalaban mula sa kabuuang 45 bansa.
Umalis sina Diaz at Colonia kasama si Philippine Weightlifting Association (PWA) President Roger Dullano bitbit ang hangarin na maging ikalawa at ikatlo lamang na Pilipinong atleta na makapagkuwalipika sa prestihiyosong kada apat na taong Olimpiada na gaganapin sa Agosto 5-19 sa Brasil.
Sinabi ni PWA vice-president Elbert Atilano Sr. na asam ng kapwa mula Zamboanga City na sina Diaz at Colonia na makabilang sa limang katao na kukunin sa kani-kanilang kategorya sa torneo sa Houston na isasagawa naman simula Nobyembre 20 hanggang 28 ang kada taon na World Championships.
“Please, pray for our national athletes,” sabi ni Atilano, na umaasang makakatuntong si Diaz sa kanyang ikatlong sunod na Olimpiada habang una naman para sa dating Juniors gold medalist na si Colonia.
Si Diaz ay nakatakdang sumagupa sa women’s 53kg habang si Colonia sa men’s 56kg.
Kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto si Diaz base sa inilabas na ranking ng International Weightlifting Federation (IWF) sa lalahukang 53kg category kung saan ay nangunguna si Shu-Ching Hsu ng Taipei na may total weight lift na 225 kg.
Magkakasalo naman sa parehas na nabuhat sina Yajun Li at Xiaoting Chen ng China at si Diaz na may total weight lift sa snatch at clean and jerk na 220kg.
“Malapit na malapit lang kung susumahin,” sabi ni Atilano. “Kailangan lang natin na siguruhin na maganda ang isipan at kondisyon ni Hidilyn sa kanyang pagsabak at hindi iyong marami siyang bagahe hindi lang sa utak kundi pati sa kanyang kapaligiran,” ayon pa kay Atilano.
Nasa ikalima naman si Colonia sa kasalukuyang ranking para sa men’s 56kg. kung saan nangunguna si Jingbiao Wu ng China na may total lift na 295kg. Kasunod nito si Yun Chol Om ng PR Korea na may 293kg. Ikatlo naman si Qingquan Long na may 290kg.
Magkasalo sa parehas na total lift sina Chin-Yi Yang ng Taipei at si Colonia na may 280kg. (Angie Oredo)