Laro ngayon
Araneta Coliseum
3 p.m. FEU vs. Ateneo
Aasamin ng koponan ng Far Eastern University (FEU)ang Final Seats sa ikalawang sunod na taon sa kanilang pagsagupa sa koponan ng Ateneo na naghahangad namang makabalik sa finals matapos nitong mawala noong nakaraang taon sa pagbubukas ngayong hapon ng Final Four round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa Aranate Coliseum.
Taglay ang bentaheng “twice-to-beat” makaraang matapos na No.2 sa nakaraang double round eliminations, sisikapin ng Tamaraws na hindi na papormahin pa ang 4th seed Blue Eagles para ganap nang maselyuhan ang unang upuan sa finals.
Kapag nagkataon, ito ang ikalawang sunod na Finals appearance para sa Tamaraws matapos mabigo sa defending champion National University (NU) noong nakaraang taon habang magiging ikalawang pagkakataon naman ito para sa Ateneo na hindi sasampa ng kampeonato makaraang magtala ng makasaysayang 5-peat noong Season 76.
Ayon kay FEU coach Nas Racela, Lunes pa lamang ay pinaghahandaan na nila ang Ateneo at sa katunayan ang ginamit nilang istratehiya noong nakaraang laban nila kontra La Salle sa huling laro ng eliminations ay bilang paghahanda na rin sa kanilang mga stringer sakaling kailanganin nila ang mga ito sa playoff.
“We will treat that game as a knockout match,” seryosong wika ni Racela na tinutukoy ang katotohanang hindi na nila pagbibigayan ang Blue Eagles na makahirit pa ng isang laro dahil tiyak aniyang mag-iiba ang timpla ng laban dahil makakakuha ng kumpiyansa ang mga ito.
Sa kabilang dako, kung mayroon mang may matinding kagustuhan na makarating ang Ateneo ng finals, ito’y walang iba kundi ang Season MVP na si Kiefer Ravena na gustong makatikim ng kampeonato at bigyan ng titulo ang kanyang koponan bago niya ito tuluyang iwanan.
Mismong si Ravena ang nagsabi na sapat na sa kanya ang isang MVP award dahil mas gugustuhin niya na makuha ang titulo sa huling taon niya sa Ateneo.
Kaya naman tiyak na muling magiging sakit ng ulo ng FEU si Ravena at sampu ng mga iba pang kakampi nito na sisikaping matulungan siya sa kanyang misyon na makamit ang kampeonato.
Ngunit isang malaking suliranin din ang tiyak na haharapin ng Blue Eagles pagkaraan ng larong ipinamalas ng Tamaraws kung saan hindi pinaglaro ni Racela ang kanyang starters sa last quarter ng laban nila ng La Salle ngunit nagawa pa rin nilang talunin ang Green Archers. (Marivic Awitan)