Hinikayat ng isang leader ng Simbahang Katoliko ang mga mananampalataya na makibahagi sa ikinasang Global Climate March sa Nobyembre 29, upang maipakalat ang mensahe laban sa banta ng global warming.

Nanawagan sa mga Katoliko ang Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM), sa website nito, na sumama sa martsa upang ipamalas ang kanilang pakikiisa sa Simbahan sa kampanya laban sa epekto ng climate change.

“Momentum is building. People all across the world are gathering in unprecedented numbers. Following Pope Francis’ brave call to action, Catholics are joining, lifting up their voices, telling our world leaders that climate change is real, and we care,” post ng RCAM.

Nagsimula bilang isang online campaign, layunin ng Global Catholic Climate March na makakalap ng mahigit isang milyong katao sa iba’t ibang panig na mundo upang magmartsa sa lansangan at manawagan ng pagkakaisa sa pagharap sa hamon ng kalikasan.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Itinakda ang bago ang paghaharap-harap ng mga leader ng iba’t ibang bansa sa United Nations Climate Change Conference sa Paris simula sa Nobyembre 29, na magtatagal hanggang sa Disyembre 2015.

Isa si Pangulong Aquino sa mga naimbitahang dumalo sa 21st Conference of Parties Climate Summit.

Hiniling ng RCAM sa mga interesadong indibiduwal na magrehistro sa website nito.

“Sama-sama tayong tugunan ang panawagan ni Pope Francis, na alagaan ang ating nag-iisang tahanan,” ayon sa grupo.

Kabilang sa mga unang nanawagan sa Global Climate March si Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). (RAYMUND F. ANTONIO)