ANG Universal Children’s Day ay itinatag ng United Nations (UN) noong 1954 upang hikayatin ang iisang pag-unawa at malasakit sa mga bata at lumikha ng mga hakbangin upang itaguyod ang kapakanan ng mga bata sa iba’t ibang panig ng mundo. Ginugunita ito tuwing Nobyembre 20, ang araw na tinanggap ng UN ang Declaration of the Rights of the Child noong 1959 at nilagdaan ang Convention on the Rights of the Child noong 1989.

Saklaw ng Declaration of the Rights of the Child ang mga pangunahing kondisyon, gaya ng karapatan ng mga bata na arugain, tulungan at protektahan laban sa pang-aabuso at pagsasamantala, karapatan sa edukasyon at sa pakikibahagi sa mga desisyong nakaaapekto sa kanilang mga buhay. Tinutukoy sa Convention on the Rights of the Child ang mga karapatang pulitikal ng mga bata, para sa ekonomiya, sibil, lipunan, pangkalusugan at kultura, ano man ang lahi, kulay, wika o relihiyon.

“The one thing all children have in common is their rights. Every child has the right to survive and thrive, to be educated, to be free from violence and abuse, to participate, and to be heard,” anang UN. Ang bagong UN Sustainable Development Goals, na gagamitin ng mga miyembrong estado sa pagbubuo ng kanilang agenda at mga polisiya sa susunod na 15 taon, ay may espesyal na layunin para sa kababaihan at mga bata.

Ang tema ngayong 2015 na “Treasure our Children” ay nananawagan sa mga bansa, organisasyon, at indibiduwal na tugunan ang pagdurusa ng milyun-milyong bata sa mundo na hindi ganap na nakatatanggap ng kanilang mga karapatan kumpara sa kanilang mga kaedad, at napagkakaitan ng masayang kabataan at ng edukasyong lilinang sa kanilang mga kakayahan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang United Nations Children’s Fund (UNICEF), na nagsisikap para mapabuti ang kalagayan at pagbibigay ng proteksiyon sa mga bata sa 190 bansa, kabilang ang Pilipinas, ang mangunguna sa espesyal na araw, sa pagdaraos ng mga aktibidad na tumatalakay sa mga karapatan at mga pribilehiyo ng mga paslit. Kabilang sa mga pagdiriwang ang mga family day, pagtitipon sa mga eskuwelahan, pagkakaloob ng regalo sa mga bata, paggugol ng oras kasama ang mga paslit, pagsasalaysay ng kuwento, educational tour, diyalogo ng mga guro at mga estudyante, paligsahan sa sining at pagguhit, pagtatanghal sa entablado, at sportsfest.

Iniulat ng UNICEF na taun-taon, milyun-milyong bata sa bawat bansa, bawat kultura at bawat antas ng lipunan ang nahaharap sa iba’t ibang paraan ng pang-aabuso, kapabayaan, pagsasamantala, at karahasan. Ang pag-abuso ay maaaring nangyari sa bahay, sa eskuwelahan, sa mga institusyon, sa trabaho, sa komunidad, sa armadong alitan, at sa panahon ng kalamidad. Ang paglaki na lantad sa karahasan at pag-abuso ay seryosong nakaaapekto sa development, dignidad, at pisikal at sikolohikal na integridad ng bata, ayon sa UNICEF.

Ipinagdiriwang ng Pilipinas, partidong estado ng Convention on the Rights of the Child, ang espesyal na National Children’s Day tuwing Oktubre 17 ng bawat taon upang bigyang-diin ang kahalagahan ng mga bata sa isang bansa, sa komunidad, at sa pamilya, at magkaroon ng mas marami pang paraan upang pagbutihin ang kanilang mga buhay, matiyak ang kanilang kaligtasan, at lumikha ng kapaligirang akma sa kanilang paglaki at pagiging produktibo.