Sa Pilipinas, ang alugbati at sigarilyas ay mga damo lamang.

Ngunit sa welcome dinner noong Miyerkules ng gabi sa mga leader ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa MOA Arena sa Pasay City, naging star of the show ang alugbati at sigarilyas, kasama ang pink heirloom rice mula sa Cordillera, tiger prawn, at ang Davao blue cheese.

Konsepto ng dalawa sa pinagkakapitagang chef sa bansa – sina Glenda Barretto, founder ng Via Mare; at Gaita Forés ng Cibo – tampok sa menu ang mga putaheng nagpapakita ng diverse regional flavors at indigenous ingredients ng bansa mula sa ating mayamang lupang sakahan at karagatan.

Ipinatikim ng mga chef ang natatanging local flavors ng adobo, tinola, kesong puti, itlog na maalat, na binigyan ng mas moderno at edgy na presentasyon -- Ensalada Tagala, Yamang Dagat Tinola, Bistek Manilenya, Inasal na Apahap, at Maja Blanca Moderna.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Isang halimbawa ang tradisyunal na kakanin na maja blanca, na inihaing may kasamang smoked coconut merengue at lambanog-poached mango. Ang seafood tinola soup naman ay binubuo ng grounded lapu-lapu meat at prawns na ginawang quenelle, isang French technique na ang creamed seafood meat ay hinahaluan ng itlog at niluluto at ikinorteng parang itlog. Para sa putaheng karne, gumamit sila ng sous-vide method upang mapanatiling juicy at malambot ang karne.

Ang mga sangkap, ayon kina Barretto at Fores, ay kinuha mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas dahil nais nilang ipakita sa mga lider ng APEC at sa mundo kung ano ang maiaalok ng Pilipinas.

“All these microgreens and herbs that we’ve taken for granted are things that very important restaurants abroad have highlighted,” anila.

‘Tila nauuso ang paggamit ng mga lokal na sangkap sa mga local chef, isang bagay na sinamantala ng Department of Tourism at ng Department of Agriculture, nang sinimulang isulong ang Filipino flavors at mga sangkap sa international market at upang bigyang diin ang diverse regional flavors ng bansa.

Ang pagkaing Pinoy ay ipinatikim na rin sa Philippine exhibition sa Musee du Quai Branly sa Paris, Slow Food Turin, International Green Week sa Berlin, at sa Madrid Fusion. (AMYLINE QUIEN CHING)