Anuman ang mangyari ay nakahanda si De La Salle University men’s basketball coach Juno Sauler sa kanyang kahihinatnan matapos na mabigong gabayan ang Green Archers na makapasok sa Final Four round ng ginaganap na UAAP Season 78.

Pormal na pinatalsik sa kontensiyon para sa huling Final Four slot ang Green Archers ng second seed Far Eastern University sa pamamagitan ng 71-68 na came-from-behind win sa Araneta Coliseum.

Ito ang unang pagkakataon na nabigong pumasok ng Final Four round ang Green Archers magmula noong 2011.

Ngunit ang higit na masaklap, humabol lamang ang Tamaraws mula sa 15 puntos na kalamangan at nagawa nilang tapusin ang laban sa matapos iupo ni FEU coach Nash Racela ang kanyang mga starters halos sa kabuuan ng final quarter kung saan ang kanyang mga stringers ang nakipagsabayan sa starters ng Archers sa endgame.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dahil sa pagkabigo, tumapos ang La Salle na may barahang 6-8, panalo-talo na pormal na nagbigay sa defending champion National University ng pang-apat at huling Final Four berth.

Bunga ng mga pangyayari, lumutang ngayon ang kuwestiyon kung mananatili pa ba si Sauler sa kanyang posisyon lalo pa’t nasa coaching staff na ng La Salle si dating PBA coach Siot Tangquincen.

Ngunit lahat ng ito ay hindi pansin ng dati ring manlalaro ng La Salle na si Sauler.

“I live in the present. I don’t know what happens in the future,” pahayag nito.

“You always have to be ready for the future. If you are not ready for the future, malaking problema ‘yun,” dagdag pa ni Sauler. (MARIVIC AWITAN)