Sugatan ang ilang pulis at raliyista nang mabahiran ng karahasan ang kilos-protesta ng iba’t ibang militanteng grupo na nagpumilit lumapit sa pinagdarausan ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Dakong 10:00 ng umaga nang sumugod ang 500 kasapi ng Bayan Muna, Anak Pawis, Kabataan Party-list, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, League of Filipino Students, Kilusang Mayo Uno, at PISTON sa Buendia Avenue at Roxas Boulevard sa Pasay City.
Agad na nagtatag ng barikada sa lugar ang pulisya at militar upang pigilin at itaboy ang daan-daang nagmamartsang militante.
Habang may bitbit na malalaking banner, na roon nakasaad ang hirit na ibasura ang APEC, tinangka ng mga raliyista na makapasok sa barikada na apat na malalaking container van at mahahabang linya ng plastic barrier ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) may isang kilometro ang layo mula sa PICC area, kaya binomba sila ng water canon ng mga pulis na tumagal nang mahigit 10 minuto.
Nauwi sa sakitan, dahil sa matinding tulakan at balyahan ng awtoridad at militante, ang protesta, kaya nasugatan ang ilan sa mga ito.
Nagpakita rin ng suporta sa anti-APEC rally ang mga Lumad na unang nagkampo sa Baclaran Church bitbit ang kani-kanilang streamers na may katagang “Mindanao is not for sale” ngunit mabilis silang naharang ng mga pulis nang tangkain nilang magmartsa patungo sana sa malaking grupo ng militante sa Buendia. (BELLA GAMOTEA)