Umapela ang mga imbestigador ng pulisya sa Carmen, North Cotabato para lumutang na ang mga testigo na magbibigay ng mga kongkretong detalye sa pagpatay sa limang katao at malubhang pagkakasugat ng dalawa pa, nitong Lunes.

Ayon kay Chief Inspector Julius R. Malcotento, hepe ng Carmen Police, wala pang matibay na ebidensiya upang mabatid ang motibo sa pagpaslang sa pamilya Agal, na nakatira sa Purok I, Barangay Ugalingan, sa nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon, pinaulanan ng bala ng hindi pa matukoy na dami ng armadong lalaki ang bahay ng mga Agal dakong 7:30 ng gabi noong Lunes, na agad na ikinamatay ng apat na nasa loob ng bahay at ikinasugat ng tatlong iba pa—isa sa tatlo ang nasawi habang ginagamot sa ospital.

Narekober ng mga rumespondeng pulis ang mga basyo ng M16, M14 at Garrand rifle.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinilala ang mga nasawi na si Ibrahim Agal, 50; mga anak nitong sina Muhammad, 18; at Sarah, 9; mga pamangkin na sina Pama, 10; at Mustafa, 12 anyos. Nasugatan naman sina Nashrudin, 9, at Jerry, 42, kapwa may apelyido ring Agal.

Samantala, tatlong kasama sa bahay ng mga biktima ang nakaligtas sa pag-atake ng mga suspek, matapos magkunwaring patay at nagtago sa ilalim ng kama. Ang mga nakaligtas ay si Anida, asawang si Ibrahim, ang tatlong gulang nilang apo na si Muhajid at ang ama ng una na si Liposin, 73.

Sinabi ni Barangay Kayaga Chairman Bong Bacana na ang pamilya Agal ay mga magsasaka at mga tahimik na residente, kaya imposible aniyang rido o alitang pampamilya ang motibo sa krimen.

Ali G. Macabalang