Binigo nina Divine Wally ng Baguio City at Arnel Mandal ng Iloilo City na kapwa Philippine National Games (PNG) discovery ang kanilang mga nakasagupa sa kampeonato upang maiuwi ang dalawang gintong medalya ng Pilipinas sa biennial 13th World Wushu Championships na idinaos sa Jakarta, Indonesia.

Tinalo ni Wally ang nakatapat na si Luan Thi Huang ng Vietnam sa finals para makopo ang gintong medalya kasunod ng kanyang silver medal finish sa nakaraang 7th Asian Junior Championships at 27th Southeast Asian Games.

Sinorpresa naman ng 20-anyos na si Mandal ang buong siyam kataong delegasyon ng Pilipinas matapos biguin ang nakalaban na si Uchit Sharma ng India sa kampeonato.

Napasama lamang si Mandal sa delegasyon matapos magwagi sa PNG noong nakaraang taon at wala man lamang itong maipagmamalaking international experience.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Dahil sa panalo nina Wally at Mandal, nakapag-uwi ang mga Pinoy ng 2 ginto, 2 pilak at isang tanso na siyang pinakamadami nitong napanalunan mula nang ilunsad ang World Wushu Championships noong 1991.

Nauna nang nagwagi si Agatha Khrystenzen Wong ng Quezon City ng pilak sa compulsory tajiquan kasunod ng kanyang pagwawagi ng 42 forms tajiquan gold medal at 42 forms taijijian bronze sa ginanap na 8th Asian Juniors Wushu Championships 2015.

Ang Asian Games bronze medalist na si Francisco Solis ay nabigo naman na lampasan ang kanyang nakatapat na kasalukuyang Asian Games 65kg champion na si Hong Xing Kong ng China at nagkasya na lamang sa medalyang tanso.

Dahil dito ay tumabla ang Pilipinas sa Macau sa ikawalo at ikasiyam na puwesto habang nanguna naman ang host China na may 14 na ginto kasunod ang Indonesia na may pito at ang Iran na may anim sa torneo na sinalihan ng 76 bansa at kabuuang 904 atleta.

Huling nakapag-uwi ang Pilipinas ng 1 ginto, 2 pilak at 3 tanso noong 2013 edition ng torneo.

Umabot na ang naiuwing gintong medalya ng Pilipinas sapul na lumahok sa torneo sa kabuuang 16 habang tinanghal naman si Wally bilang kauna-unahang Pinay na nakapagkampeon sa torneo.