Kinondena ni Malaysian Prime Minister Najib Razak ang ginawang pagpugot ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isa sa kanyang mga kababayan na bihag ng grupong bandido.

Binansagan ni Razak ang pagpatay kay Bernard Then bilang “barbaric at savage”, kasabay ng panawagan sa gobyerno ng Pilipinas na bigyan ng hustisya ang kababayan niyang pinaslang.

Nangyari ang pamumugot ilang oras matapos dumating si Razak sa Pilipinas upang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit, kasama ang ibang state leader, tulad ni US President Barack Obama.

Sa kanyang Facebook page, ipinaskil ng Malaysian leader: “I, the government, and all Malaysians are shocked and sickened by the murder of our countryman Bernard Then and we condemn it in its strongest terms.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We call upon authorities to take action against those who have perpetrated this savage and barbaric act and ensure that they are brought to justice,” dagdag niya.

Si Then, na isang inhinyero, at kanyang kasamahan na si Thien Nyuk Fun ay dinukot ng mga Abu Sayyaf sa Ocean King restaurant sa Sandakan, Malaysia noong Mayo 15.

Pinalaya si Fun ng mga bandido noong Nobyembre 9 matapos umanong magbayad ng ransom ang kanyang pamilya.

Nitong Martes, nakatanggap ng impormasyon ang militar na pinugutan na ng mga bandido si Then dakong 4:00 ng hapon sa Barangay Bud Taran sa Indanan, Sulu.

Ang ulo ay natagpuan dakong 7:00 ng gabi noong Martes sa Barangay Walled City sa Jolo. (ELENA L. ABEN)