SA botong 5-4, ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang disqualification case na isinampa ni Rizalito David laban kay Sen. Grace Poe sa pagka-senador. Ang limang kumatig kay Poe ay ang mga kapwa niya senador na kasapi ng SET na sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Sotto, Sen. Villar, Sen. Legarda at Sen. Bam Aquino. Ang apat na bumoto laban sa kanya, maliban kay Sen. Nancy Binay, ay ang tatlong mahistrado ng Korte Suprema na sina Senior Associate Justice Carpio, Brion at De Castro na pawang mga bihasa sa larangan ng batas.
Kaya, nanganganib ang kandidatura ni Poe sa pagkapangulo. Ang nangyari sa SET ay simula pa lang ng mahabang labanan.
Kapag umapela si David, na alam kong gagawin niya dahil sa nangyaring botohan na pumabor sa kanya ang tatlong mahistrado, makakatagpo ng kanyang petisyon sa Korte Suprema ang apela sa mga kasong disqualification para tumakbong pangulo si Poe. Kasi tanging sa Korte Suprema pwedeng iapela ang kasong galing sa SET. Ang nakabimbing disqualification case laban kay Poe sa Comelec, anuman ang mangyari dito at sinuman ang matalo, ay sa Korte Suprema rin lamang pwedeng iapela. Pagsasamahin ng Korte Suprema ang petisyon ni David at ng sinumang matalo sa Comelec para pagpasiyahan ito dahil pareho ang mga legal issue. Kapag nagpasiya ang Korte at pabor kay Poe, mananatili itong senador at kuwalipikadong pang tumakbo sa pagkapangulo. Pero kapag kontra, patatalsikin siya sa kanyang puwesto at hindi na makakatakbo bilang pangulo. Ang talagang maaasahan dito ay kung ano ang batas.
Ang argumento ni Poe na kapag natalo siya ay wala nang pag-asa ang mga foundling na tulad niya para tumakbo pa sa mataas na posisyon sa gobyerno na ang isa sa mga kuwalipikasyon ay natural born citizen. Ipinapalagay niya na marami silang foundling o pulot na bata na pwedeng makategorya niya. Sa totoo lang, pambihira ang kanyang kalagayan. Kasi sa ating ugali at kultura bilang Pilipino, walang ina na hindi niya hahanapin ang kanyang itinapon na anak kahit pinakamasama na siya. Kahit paano, sa kanyang pagsisisi at pag-ako ng kanyang pagkakasala, ay ipinaalam niya ang kanyang nagawang pagkakamali sa mga kamag-anak o kaibigan. Ang kakaiba sa kalagayan ni Poe ay ang pagkakaroon ng pambihirang magulang na ayaw siyang angkinin at kilalanin kahit senador na siya. May sagabal pa ba?
Isa pa, dahil nga sa siya ay foundling at hindi alam ang pagkatao ng kanyang magulang, pero sa isang simbahan sa Iloilo siya napulot, dapat daw resolbahin ang duda pabor sa kanya at sa kanyang batayang karapatan. Resolbahin daw ito sa liberal na kahulugan ng batas na siya ay natural born citizen. Ang kuwalipikasyong ito ay itinakda ng Saligang Batas ayon sa public policy na kapag ikaw ay natural born citizen, ikaw ay Pilipino sa isip, diwa at gawa.
Kaya, matinding interpritasyon ang nararapat dito para sa pangkalahatang interes ng bayan. (RIC VALMONTE)