Inihayag ng Embahada ng Pilipinas sa Jakarta na hindi muna ipa-prioridad ng gobyerno ng Indonesia ang pagpapataw ng parusa sa sino mang death convict sa Indonesia sa ngayon, at sa halip ay pagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos sa ekonomiya ng naturang bansa.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose, isa itong magandang balita lalo dahil temporary reprieve pa lang ang ipinagkaloob ng Indonesian government kay Mary Jane Veloso, isang Pinay na pinatawan ng parusang kamatayan dahil sa pagpupuslit ng droga sa Indonesia.
Nilinaw ni Jose na bagamat ang pahayag ng gobyerno ng Indonesia ay isang “general statement” at hindi tuwirang tungkol sa kaso ni Veloso, ito ay maituturing na magandang balita lalo at naninindigan si Veloso na inosente siya at biktima lang ng human trafficking.
Abril 2010 nang inaresto ng Indonesian authorities si Veloso sa Yogyakarta Airport matapos makumpiskahan ng 2.6 kilo ng heroin sa loob ng kanyang bagahe.
Nabigyan ng last-minute temporary reprieve si Veloso bago pa man ito sumalang sa firing squad sa tinaguriang “execution island” sa Indonesia kasunod ng apela ng gobyerno ng Pilipinas na kailangan ang testimonya nito sa kaso ng umano’y recruiters nito matapos sumuko sa Nueva Ecija Police Provincial Office. (Bella Gamotea)