SA paghaharap-harap ng iba’t ibang bansa sa Paris, France, sa huling bahagi ng buwang ito para sa United Nations Conference on Climate Change, sisikapin nilang magkaroon ng kasunduan kung ano ang magagawa ng bawat bansa upang mapigilan ang mga pagbabago sa pandaigdigang klima na sinisisi sa ilan sa labis na nakapipinsalang mga kalamidad sa nakalipas na mga taon.
Ang partikular na layunin ay ang limitahan ang pagtaas ng temperatura sa mundo sa 2 degrees Celsius na mas mataas sa pre-industrial levels. Dapat na mangako ang bawat bansa na gagawin ang mga hakbangin upang makatulong na maisakatuparan ang target na ito. Halimbawa, ang China at United States, ang dalawang bansang may pinakamalalaking volume ng carbon dioxide emissions dahil sa kani-kanilang industriya, ay nagkani-kanya ng pangako. Babawasan ng Amerika ang emissions nito nang 26 na porsiyento na mas mababa sa 200 levels pagsapit ng 2025. Nangako naman ang China na itataas sa 20 porsiyento ang paggamit nito ng non-fossil fuels sa paglikha ng kuryente pagsapit ng 2030.
Kakatwa lamang na ang mga bansang pinakanaaapektuhan ng masamang naidudulot ng climate change—ang mga bansang may pinakamababang estado ng pagsulong ng ekonomiya—ang hindi nakapag-aambag sa problema. Kaya naman maraming islang bansa ang nanganganib na maglaho ang mga lupain, maging ang mga komunidad sa mga baybayin ng mga ito, habang patuloy na lumalawak ang dagat sa mundo bunsod ng pagkatunaw ng niyebe sa Arctic at Antarctic.
Nagsalita ang isang Pilipinong siyentista, si Dr. Josefino Comiso ng US National Aeronautic and Space Administration (NASA) sa Asian Conference on Remote Sensing na ginanap kamakailan sa Maynila, at ibinunyag niya ang natuklasan ng NASA na natutunaw ang yelo sa Greenland at West Antarctica.
Babala niya, ang pagtaas ng dagat ay epekto ng climate change kaya dapat nang simulan ng Pilipinas ang paghahanda sa mga magiging epekto nito. Sisirain nito ang mga bakawan at ang tahanan ng maraming halaman at hayop, kaya maaapektuhan ang mga tao na nakatira ngayon sa mga lugar na ito. Magdudulot ito ng tagtuyot na labis na makapipinsala sa mga taniman, at ng heat wave o matinding init na magreresulta sa maraming pagkamatay. Pararamihin din nito ang populasyon ngh mga lamok at iba pang insektong nagdadala ng sakit. At patitindihin pa ang mga mapaminsala nang bagyo, na gaya ng ‘Yolanda’.
Sa pagtitipun-tipon ng mga bansa sa Paris sa Nobyembre 30-Disyembre 11, kakaunti lang ang maiaambag ng Pilipinas para mabawasan ang nagbubunsod ng climate change. Ngunit maaari itong makatulong sa paglalahad ng mga ideya at programa upang maibsan ang matinding epekto ng climate change, mga programang nakatuon sa pagbangon at paghahanda, na makatutulong sa iba pang mga islang bansa na gaya natin.