Matapos ang halos anim na taong pagtatago sa batas, naaresto na rin ang isa pang suspek sa Maguindanao massacre sa operasyon ng pulisya sa Sarangani, noong Martes ng madaling araw.

Sinabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, na naaresto si Denga Mentol, alyas “Tho Cario Opong”, sa Sitio Kabangkalan, Barangay Batotuling sa Glan, dakong 4:25 ng umaga noong Martes.

Lumitaw sa imbestigasyon na kabilang si Mentol sa mga miyembro ng Civilian Volunteer Organization na rumatrat sa 58 katao, kabilang ang 32 media, sa Sitio Masalay, Bgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao, noong Nobyembre 23, 2009.

Kabilang si Mentol sa 189 na suspek na kinasuhan na kaugnay ng insidente.

National

DOLE, may job fair para sa mga mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng POGO

Ayon pa sa opisyal, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa pinatataguan ni Mentol, kaya naglunsad ng operasyon ang mga tauhan ng PRO-12.

Kasalukuyang nakakulong si Mentol sa himpilan ng Alabel Municipal Police habang hinihintay ang kautusan ng korte na ilipat ito sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. (Ali G. Macabalang)