TINATAYANG umabot sa $2 bilyon ang ikinalugi ng airlines industry sa ginanap na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) 2015 Leaders’ Summit sa Maynila dahil sa kanselasyon ng mahigit 1,000 flight ng lokal at dayuhang eroplano, kabilang ang private aircrafts at chartered planes na nakatakda sanang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ilang milyong piso ito kung tutuusin? Bukod dito, gumastos daw ang PNoy administration ng P20 bilyon para sa APEC.

Sa panig lang ng Philippine Air Lines (PAL), sinabi ni spokesperson Cielo Villaluna na dahil sa kanselasyon ng mga flight, nalugi ang kumpanya ng $18.7 milyon. I-convert mo nga ito beautiful Jet sa Philippine peso. Samantala, ang Cebu Pacific naman ay nalugi raw ng P400 milyon.

Ngayong wala na ang mga bigating lider ng mga bigating bansa, balik sa normal ang buhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga taga-Metro Manila na labis na naabala sa tindi ng trapiko. Libu-libong commuter ang ilang oras na nagtiis sa bigat ng daloy ng trapiko.

Isinara ang mga kalye sa naturang mga lugar kung kaya napilitan ang mga papunta sa paliparan na bumaba sa mga sasakyan para maglakad at makahabol sa biyahe. Laking abala at perwisyo ito para sa mga pasahero na ang iba ay ibinuhos ang sama ng loob sa social media.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Anong uri ng pagpaplano ang ginawang ito ng PNoy admin? Maraming tao ang nagtatanong at sobra ang pagtataka kung bakit sa Metro Manila ginanap ang APEC 2015 Leaders’ Summit gayong puwede itong idaos sa mas malawak na lugar partikular na sa Subic, Clark, Cebu upang hindi maabala ang daloy ng buhay, negosyo at kalakalan. Bakit noong si ex-Pres. Fidel V. Ramos ang nag-host sa APEC, walang hassle, walang abala, walang na-stranded, walang kinanselang mga biyahe sa eroplano?

Ang istorbo, abala at sakit ng ulo dulot ng pagsasarado sa mga lansangan at kalye, pagkabalam ng paghahatid ng mga produkto lulan ng cargo trucks, pagkalugi ng PAL at Cebu Pacific bunsod ng kanselasyon ng mga biyahe na hindi dapat nangyari kung sa ibang lugar ginanap ang okasyon, ay tiyak na repleksiyon at magbo-boomerang sa kandidatura nina Mar Roxas at Leni Robredo na magpapatuloy sa Baluktot na Daan, este Matuwid na Daan pala ni PNoy.

By the way, umagaw ng eksena sa APEC Summit sina Canadian Prime Minister Justin Trudeau at Mexican Pres. Enrique Peña Nieto. Bakit kanyo? Kasi sila ay naggagandahang lalaki na tinitilian ng mga Pinay. Naagaw nila ang eksena sa dalawang pinakamakapangyarihang lider ng mga bansa, sina US President Barack Obama at Chinese Pres. Xi Jinping. Mga boss, este dear readers ko, sino ang mas pogi-- Trudeau or Peña? (BERT DE GUZMAN)