Nobyembre 20, 1805 nang unang itanghal ang nag-iisang opera ni Ludwig van Beethoven na “Fidelio” sa Theater an der Wien sa Vienna, Austria. Gayunman, dalawang beses lamang ito nakapagtanghal, at labis itong pinuna ng press dahil sa hindi magandang kalidad.
Hindi karaniwan para sa mga residente ng Vienna ang manood ng mga pagtatanghal nang mga panahong iyon, dahil nang sinundang linggo lang ay sinalakay ni Napoleon Bonaparte ang lungsod. Hindi naintindihan ng mga manonood ng opera, karamihan ay sundalong French, ang salitang German sa pagtatanghal.
Hindi nagtagal, pinaganda ni Beethoven ang kanyang opera, katuwang ang kanyang dating kaibigan na si Stephan von Breuning na nagsaayos ng teksto. Ang bagong bersiyon nito ay unang ipinalabas sa nasabi ring teatro noong Marso 29, 1806.
Mayo 23, 1814 nang ipalabas ang pinagandang “Fidelio” sa Theater am Karntnertor sa Vienna, na sa wakas ay nakatanggap ng masigabong palakpakan.