Muling binigyan ng karangalan ni national cue artist Chezka Centeno ang bansa matapos nitong iuwi ang korona bilang pinakabagong kampeon sa ginaganap na 2015 World Junior 9-Ball Championship sa Shanghai, China.

Tinalo ng 16-anyos na si Centeno, na nadiskubre noong 2013 Philippine National Games (PNG), ang kampeon mula sa host China na si Xia Yuying, 9-3, sa finals upang kumpletuhin ang pagwawagi nito sa torneo.

Naunang tinalo ni Centeno ang isa pang Tsino na si Wang Xiaoting, 9-2, sa quarterfinals bago ginapi si Teng Jiang sa semifinals upang okupahan ang isang silya sa kampeonato.

Isa pang junior cue artist ng bansa na si Jeffrey Roda ang kasalukuyang nakikipagsarguhan sa quarterfinals para sa paghahangad nitong madoble ang gintong maiuuwi sa Pilipinas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Masayang-masaya kami sa Billiards Sports Council of the Philippines (BSCP) dahil sa panalo ni Chezka,” sabi ni BSCP president Arturo Ilagan na pinakauna sa kasaysayan ng bilyar sa bansa. “First time ito sa ating bansa at malaking prestihiyo sa ating mga Pilipino,” sabi pa nito.

Ang panalo ni Centeno ay idinagdag nito sa kanyang mga napagwagiang torneo matapos maging kinatawan ng bansa sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore kung saan iniuwi nito ang gintong medalya sa women’s 9-ball singles matapos talunin ang kababayan at kapwa miyembro sa Philippine women’s billiards team na si Rubilen Amit.

Asam naman ng 17-anyos na si Roda na malampasan ang pinakamataas nitong naiuwing tansong medalya sa paglahok nito kasama si Centeno sa 2014 APBU Asian Junior Championship.

Matatandaan na unang nakilala si Centeno na dumayo pa mula sa Zamboanga City sa edad 11-anyos matapos talunin ang ilang miyembro ng national team sa isinagawang 2013 PNG sa Bacolod City kung saan tumapos itong pangatlo.

Agad itong naimbitahan sa edad na 12-anyos sa Kremlin Cup sa Russia kung saan nagawa nitong tumapos sa Top 32 bago napasama sa national team at lumahok sa 2014 APBU Asian Junior Championship at nagawa nitong iuwi ang pinakaunang gintong medalya ng bansa sa girls’ single category. (ANGIE OREDO)