Ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang dalawang reklamong kriminal na inihain laban sa ilang leader ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Sa dalawang resolusyon na inilabas ng DoJ, nakapaloob ang pagbasura sa reklamong isinampa ng dating ministro ng INC na si Isaias Samson, at ng itiniwalag na miyembro na si Jose Fruto laban sa ilang matataas na opisyal ng INC, kabilang ang punong ministro na si Eduardo “Ka Erdie” Manalo.
Batay sa resolusyon, nabigo si Samson na patunayan na siya ay tinakot, na kinuha ng mga opisyal ng INC ang kanyang passport, sasakyan, laptop computer, at iba pang mga personal na gamit.
Idadaan pa sa judicial proceedings ang reklamo ni Fruto, na nagsabing siya ay hina-harrass.
Nakalagay din sa resolusyon na walang mga ebidensiya na nagsusuporta sa alegasyon ng pagnanakaw dahil wala umano ang mga complainant sa kanilang bahay.
Pirmado nina Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva, Assistant State Prosecutor Olivia Torrevillas at Mark Roland Estapa ang resolusyon na aprubado naman ni Prosecutor General Claro Arellano. (Beth Camia)