Sa idinaos na bilateral meeting kahapon, tinalakay nina Pangulong Aquino at US President Barack Obama ang tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Sa joint statement, sinabi ni Obama na dapat itigil na ng China ang reclamation activities sa West Philippine Sea dahil banta ito sa regional stability at world economy.

Ayon pa kay Obama, dapat itigil na rin ng China ang militarisasyon sa rehiyon at daanan sa mapayapang resolusyon ang isyu sa agawan ng teritoryo.

Iginiit din ni Obama na nananatiling “rock solid” ang alyansa ng Pilipinas at US kaya gaya ng ibang kaalyadong bansa, handa nitong tulungan at idepensa laban sa external threat.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pero muling inamin ni Obama na hindi claimant ang US sa West Philippine Sea kaya sinusuportahan lamang ang posisyon ng Pilipinas sa arbitration at payapang resolusyon ng hidwaan sa pamamagitan ng pag-uusap ng mga claimant-country.

Samantala, kumpiyansa si Obama na makapapasa sa mga legal na pagsubok, lalo sa Supreme Court (SC), ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sinabi ni Obama na kinikilala nito ang proseso ng batas ng Pilipinas pero tiwalang matatapos din ito at epektibong maipatupad ang mga kontrobersiyal na probisyon sa naturang kasunduan.

Malaking tulong, aniya, ang EDCA para maisakatuparan ang kanilang mga ipinangako sa Pilipinas sa usapin ng defense at humanitarian works.

Kasabay nito, malugod na pinasalamatan ni Aquino si Obama kaugnay sa foreign military assistance at suporta sa konstruksiyon ng National Coast Watch Center.

Kasabay nito, tinanggap din ng Pangulong Aquino ang panukalang Southeast Asia Maritime Security Initiative para mapalakas ang maritime security capabilities ng Pilipinas. (BETH CAMIA)