Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na walang magiging epekto ang idinaraos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa buhay ng mga ordinaryong Pinoy.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Permanent Commission on Public Affairs, kaawa–awa ang mga manggagawa, lalo na yaong isang kahig-isang tuka, na naapektuhan ng APEC partikular sa matinding trapik na idinulot nito sa Metro Manila bukod pa sa malaking halaga na itinustos ng gobyerno para sa naturang pagpupulong
“Ang isa pang epekto nito ay sa mga manggagawa sa apat na araw ‘yan. Lalung–lalo na marami sa mga Pilipino natin ay isang-kahig-isang–tuka. Araw–araw lang sila ang nakukuha nila ay siyang ginagamit nila. Imagine apat na araw ‘yun, ‘yung mga vendors, ‘yung mga jeepney drivers, ‘yung mga nasa taxi na arawan ang kanilang hanapbuhay,” ani Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Aniya, hindi pa rin naman nakasisiguro ang mamamayan sa sinasabing “pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas” matapos ang naturang pagtitipon.
Ang tiyak aniyang nakikinabang sa mga ganitong APEC Summit ang mga mayayamang negosyante at patuloy pa ring naghihirap ang simpleng mamamayan.
Samantala, nagmartsa ang mga miyembro ng iba’t ibang grupong relihiyon sa Rajah Salayman Park upang batikusin ang APEC summit.
“Our Gross Domestic Product increases but it is felt only by a small part of the community,” pahayag ni Nardy Sabino, tagapagsalita ng Promotion of Church People’s Response (PCPR). (MARY ANN SANTIAGO)