NAIKUWENTO ni Ms. Angeli Pangilinan-Valenciano habang nanonood kami ng #Setlist, benefit show ng mga bago niyang alagang singers, para kay Rogie Manglinas -- edad 19, football player ng UP Diliman Team na nakikipaglaban sa kanser sa Philippine General Hospital -- na ipagpo-produce ni Vice Ganda ng concert si Katrina Velarde alyas Suklay Diva.
Nabanggit nga ito ni Vice nang mag-guest si Suklay Diva sa Gandang Gabi Vice kamakailan. So, tototohanin pala.
Ayon kay Angeli, sobrang galing ni Suklay Diva kaya nagustuhan siya ni Vice.
Magaling talaga si Suklay Diva, pero hindi rin matatawaran ang galing ng dalawang kasama niya sa #Setlist trio na sina Monique Lualhati at RJ de la Fuente.
Nabanggit din ni Angeli na pumirma na ng kontrata ang #Setlist trio sa Viva management, “we’re co-management na ng Viva.”
“Abangan mo rin si RJ, one of this days, sisikat ‘yan,” sabi pa ng tinaguriang Mother of Fundraising (Angeli).
“Speechless si Boss Vic nang marinig niya ang version ni RJ ng Kahit Kailan, you listen, ang ganda (kinakanta ni RJ ng mga sandaling iyon) kaya ipagpo-produce niya ng album si RJ.”
Nagustuhan namin ang version ni RJ sa Kahit Kailan ni Brix Ferraris ng Southborder, mas suwabe pa ngang pakinggan.
Sumali si RJ sa season one ng The Voice of the Philippines pero hanggang top 24 lang siya. Kabilang siya sa Team Lea Salonga.
Samantala, hindi man napuno ang benefit show for Rojie sa Music Hall ay bayad naman pala ang lahat ng bakanteng mesa. Hindi lang daw nakarating ang mga nagbayad.
“Per table ang bayad dito hindi per tao, so maski walang mga nakaupo, paid na lahat ‘yan kaya I invited friends to fill in the tables kasi sayang naman,” sabi ni Angeli. “Kapag may mga ganitong fundraising projects, ako ang nilalapitan ng lahat, so kayo (entertainment press), kung may mga kasama kayo or members of your family who needs support just let me know, makakatulong naman kami maski paano.”
Si Rojie ay na-diagnose na may Rhabdomyosarcoma o cancer of the skeletal muscles na namuong bukol na malapit sa kanyang utak na siyang dahilan ng kanyang cancer. Malaki ang halagang kailangan niya para sa chemoteraphy kaya naisipan ng Mother of Fundraising na magpa-benefit show para sa binata. (REGGEE BONOAN)