Muli na namang papailalim sa mapanuring mga mata ng mga volleyball fan ang mga reinforcement na kinuha ng PLDT Home Ultera sa kanilang nakatakdang pagsalang ngayong darating na Sabado sa pagsagupa ng kanilang koponan kontra University of the Philippines (UP) sa pagsisimula ng semifinal round ng Shakey’s V League Reinforced Conference.
Kumuha ng dalawang import ang Ultra Fast Hitters sa katauhan nina Victoria Hurtt at Sareea Freeman na nagtala ng 21 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod, sa una nilang laro kontra Kia Forte sa pagtatapos ng eliminations.
Kinuha ang serbisyo ng dalawa upang maiangat ang laro ng Ultra Fast Hitters na nahirapan sa kanilang panimula dahil sa hindi paglalaro ng ace hitter na si Alyssa Valdez na nagpapahinga sanhi ng iniindang injury sa likod.
Kontra UP, naniniwala si PLDT coach Roger Gorayeb na mayroon silang bentahe lalo na pagdating ng dalawa nilang mga import na magbibigay sa kanila ng karagdagang “options” sa kanilang opensa.
Gayunman, sinabi ni Gorayeb na kailangan pa nila ng mas maigting na ensayo kasama sina Hurtt at Freeman upang maging pamilyar ang mga ito sa kanilang mga lokal na kakampi.
Gagamitin ni Gorayeb ang ilang araw na break bago ang semifinals para makapag-adjust partikular ang kanilang beteranong setter na si Rubie de leon upang makabisado ng husto ang mga bagong kakampi.
Kung hindi man makagamayan ni De Leon ang dalawa, babalingan anila ayon kay Gorayeb ang isa pang setter na si Jem Ferrer na nag-step-up sa kanilang nakaraang laro kontra Kia at nakatuwang ng dalawang Amerikanang import.
Isang panalo lamang ang kailangan ng PLDT bilang second seed team kasunod ng Army na pumasok ng semifinals.
Makakatunggali naman ng topseed Lady Troopers ang Philippine Navy sa isa pang semifinals pairing. (MARIVIC AWITAN)