Inilunsad ng Pilipinas at Australia noong Martes ang isang social protection program na naglalayong labanan ang pang-aabusong sekswal sa mga batang Pilipino sa Internet.
“This (online sexual exploitation) is an abhorrent crime... This (social protection) program will protect the Filipino children, prosecute the offenders, and promote the children’s interests and their rights,” sabi ni Australian Minister for Foreign Affairs Julie Bishop sa Child Protection Program Launch sa Peninsula Hotel sa Makati City.
Nagkaloob ang gobyernong Australian ng USD2 million grant sa loob ng tatlong taon para suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na labanan ang sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala sa pamamagitan ng Internet sa mga bata.
Sinabi ni Bishop na tumaas ang online sexual abuse dahil sa mga digital advancement at sa pag-angat ng social media, na sinabayan ng pangangailangang pinansyal ng pinakamahihirap na pamilya.
Sa katunayan, ang cyberpornography ay ang pinakatalamak na krimen sa bansa, ayon sa ulat ng Philippine National Police noong 2014.
Sa kanyang parte, sinabi ni Social Welfare Secretary Corazon Soliman na winawasak ng online cyber pornography ang “souls” ng kabataan.
Nilalayon ng programa na makabuo ng mekanismo para protektahan ang mga batang Pilipino laban sa online sexual exploitation, mabigyan ng hustisya ang mga biktima, at mapabilis ang pagbangon ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng three-fold “Protection-Prosecution-Promotion” approach.
Tutulong at ikakakampanya nito ang pagpasa ng Kongreso sa “Sex Offender Registration and Notification Act” para protektahan ang publiko sa mga sex offender.
Magkakaroon din ito ng multi-sector quick response team sa mga lokalidad na itinuturong “hot spots” gaya ng mga lungsod ng Cagayan de Oro at Cebu. (PNA)