WALANG hindi naniniwala na ang kasumpa-sumpang ‘tanim-bala’ modus – at ang iba pang mga katiwalian at kapalpakan sa kasalukuyang pamamahala – ay masusugpo lamang ng marahas ngunit angkop na aksiyon ni Presidente Aquino. Wala nang katapusan ang mga naturang isyu na labis nang ikinababahala ng sambayanan, lalo na ng ating mga bayaning Overseas Filipino Worker (OFW) na nag-aatubili nang umuwi sa ‘Pinas.

Mismong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang nanawagan sa Pangulo na mahihigpit na hakbang lamang, at hindi lip service, ang lilipol sa mga sindikato sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang paliparan sa bansa. Sa isang ulat, binigyang-diin ng Alkalde na kailangang tanggalin kaagad ang mga opisyal, porters, drivers at ilang mga pulis na kakuntsaba umano sa mga sindikato. Sa isang pahayag na may himig nang paghamon, sinabi ng Alkalde: Mr. President, yariin mo silang lahat because it has given us a bad name and has placed the Filipino people in jeopardy.

Paulit-ulit ko nang natutunghayan ang naturang panawagan. Ngunit hindi man lamang yata natitinag ang sinasabing mga dapat managot sa mga alingasngas na nagaganap sa ating airport na hanggang ngayon ay binabansagan pa ring “worst airport in the world”.

Kabi-kabila ang panawagan para kina Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado at DOTC Secretary Joseph Abaya na magbitiw sa kani-kanilang puwesto kaugnay sa kanilang mga pananagutan sa pamamahala ng paliparan. Totoo, sinabihan sila ng Pangulo upang alamin ang puno’t dulo at sino ang nasa likod ng modus. Subalit tulad ng panawagan ni Duterte, marahas na aksiyon at hindi lip service ang kailangan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naging kalakaran na yata sa kasalukuyang administrasyon ang patuloy na pangungunyapit ng mga kaalyado nito sa kani-kanilang mga puwesto. Hindi man lamang natitinag, halimbawa, si Agriculture Secretary Proceso Alcala sa kabila ng mga panawagan na magbitiw na sya sa kanyang puwesto. Idinadawit siya sa smuggling ng agricultural products.

Gayundin si DBM Secretary Butch Abad na isinasangkot naman sa kabi-kabilang anomalya hinggil sa umano’y tiwaling paglalaan ng pondo ng bayan.

Sa anu’t anuman, marapat lamang timbangin ni Presidente Aquino ang bigat ng panawagan ni Mayor Duterte na ang marahas at hindi lip service ay bahagi ng epektibo at maayos na pamamahala. (CEL LAGMAY)