GALIT ang buong France sa kahindik-hindik at hindi makataong pag-atake ng mga teroristang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa ilang lugar sa Paris na ikinamatay ng mahigit 200 katao at ikinasugat naman ng iba pa.

Nakikiramay ang buong mundo sa madugong trahedya na kagagawan ng mga kasapi ng ISIS na sa pagsasagawa ng karahasan at kalupitan ay sumisigaw pa ng “Allahu Akbar” o Dakila ang Diyos o “God is Great”.

Nakapagtataka na ang tulad nilang pumapatay sa walang kalaban-labang sibilyan na nagsasaya sa kanilang Friday night sa Bataclan Theatre, rock concert, Parisian cafe at Stade deFrance, ay nakukuha pa nilang banggitin ang pangalan ni Allah. Tiyak kong maging si Allah ang kanilang Diyos ay hindi sasang-ayon sa kanilang karahasan at kalapastanganan sa mga taong hindi naman sangkot sa ipinaglalaban nilang ideolohiya at pananampalataya. Inuulit ko, bakit ang mga sibilyan ang inyong sinasalakay, pinapatay at sinasaktan? Bakit ang hindi ang mga military headquarters ng mga kaaway ninyong US, France, Germany, England at iba pa?

Nadadamay tuloy sa inyong ginagawa ang mga ordinaryong Muslim na naniniwala sa pagmamahalan, pagkakapatiran, pagkakaunawaan at pagtutulungan ng mga nilalang sa daigdig. Sa kanyang pahayag, nangako si French Pres. Francois Hollande na ang France ay magiging “ruthless” o mabangis laban sa ISIS. Upang mapatunayan, naglunsad ang puwersa nito ng “massive air strikes” sa Raqqa, ang de facto capital ng ISIS sa Syria. Nawasak ang jihadi training camp at ang munitions dump ng mga teroritsta. Naghulog ang 12 jet fighters ng France ng 20 bomba sa naturang mga lugar at patuloy na ilulunsad ang pambobomba sa tulong ng US at mga kaalyadong bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa panig ni Pope Francis, sinabi niyang ang pag-atake ng ISIS sa Paris ay maituturing na “isang piraso ng namimintong World War III”. Sa panig ni Russian Pres. Vladimir Putin, ganito ang kanyang pahayag sa mga kalabang western countries, partikular ng US: “Let’s bury our differences in order to wipe out Isis terrorism.” Kaalyado kasi ni Vladimir si Syrian Pres. Assad na ayaw bumaba sa puwesto kung kaya malabo ang pagbaka sa ISIS, mga rebelde at Syrian army.

Ngayon ay kumporme na si Putin na birahin ang ISIS kahit hindi pa rin sila nagkakaintindihan ng US sa maraming bagay. Kung hindi kikilos si Vladimir, baka balang araw ay Russia naman ang salakayin ng ISIS.

***

Siyanga pala, habang sinusulat ko ito ay nakatakdang magdesisyon ang Senate Electoral Tribunal tungkol sa disqualification case ni Sen. Grace Poe. Sa totoo lang, nagpahayag si Sen. Grace na kinakabahan siya. Paglabas ng kolum na ito, malamang ay may desisyon na ang SET. (BERT DE GUZMAN)