Malaking bulto ng cargo shipment ang idiniskarga sa Port of Batangas, sa halip na sa Port of Manila, dahil sa ipinatutupad na truck ban sa Maynila na may kaugnayan sa idinaraos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit.

Sinabi ni Alberto Suansing, director ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP), na nakaaapekto ang truck ban sa halos 70 porsiyento ng dumarating at umaalis sa Port of Manila.

“Because they have anticipated it (truck ban), what they did they docked in Batangas,” ayon kay Suansing.

Aniya, ang mga kargamento na dinala sa Batangas Port ay ide-deliver sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“These are actually the goods to be processed here and will later be shipped out of the Philippines,” dagdag ni Suansing.

Matatandaan na ipinatupad ng mga opisyal ng gobyerno ang temporary modified truck ban mula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi mula Nobyembre 17 hanggang 20 upang hindi makadagdag ang mga truck sa matinding trapiko na nararanasan sa Metro Manila, sa pagdaraos ng APEC meeting.

Pinapayagan ang mga truck na dumaan sa mga sumusunod na alternatibong ruta: Mula sa Port of Manila, diretso sa R-10, kanan sa C-3, kaliwa sa A. Bonifacio Avenue, kanan sa flyover patungong Quirino Highway.

Kakanan din sa Mindanao Avenue, kaliwa sa Congressional Avenue, kanan sa Luzon Avenue, diretso sa Katipunan/C5 patungong Southern Luzon Expressway/MCX at vice versa.

Nangangamba si Suansing na posible itong magresulta sa matinding backlog ng shipment na malaking kawalan rin sa kaban ng bayan. (Raymund F. Antonio)