ZAMBOANGA CITY – Pinugutan ng dalawang leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nagkakampo sa Indanan, Sulu, nitong Martes ang bihag nilang Chinese-Malaysian na si Bernard Ghen Ted Fen sa Barangay Bud Taran sa Indanan, makaraang mabigo ang pamilya ng bihag na maibigay ang hinihinging ransom para sa pagpapalaya sa dayuhan.

Ayon sa military report na nakarating dito, nagpasya ang dalawang leader ng Abu Sayyaf na pugutan si Ted Fen matapos na mabigo ang pamilya na mabayaran ang ransom.

Batay sa ulat, pinugutan nina Alden Bagade at Idang Susukan, sub-leaders ng Abu Sayyaf, si Ted Fen dakong 4:00 ng hapon nitong Martes sa kabundukan ng Bgy. Bud Taran sa Indanan.

Agad na inilibing ang katawan ni Ted Fen sa lugar na roon siya pinugutan, at ang kanyang ulo ay inilagay sa loob ng isang dilaw na sako, ibiniyahe patungong Jolo, at iniwan sa harap ng himpilan ng Jolo Municipal Police, ayon pa sa report.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mayo 14, 2015 nang dinukot ng Abu Sayyaf si Ted Fen, kasama si Thien Nyuk Fun, 50, isa ring Chinese-Malaysian at may-ari ng Ocean King Restaurant sa Sandakan, Malaysia.

Si Nyuk Fun ay pinalaya ng sub-leaders ng Abu Sayyaf na sina Bagade, Alhabsy Misaya, at Angah Adji nitong Nobyembre 8, dakong 10:00 ng gabi, sa Sitio Pakasah, Bgy. Bud Taran sa Indanan.

Unang napaulat na kasama si Ted Fen ni Nyuk Fun nang palayain ang huli ng Abu Sayyaf kapalit ng P30-milyon ransom.

Ngunit nabatid kalaunan na naiwan si Ted Fen dahil hindi pa tapos ang negosasyon para sa paglaya nito.

Sa kasalukuyan, hawak pa rin ng Abu Sayyaf ang anim na bihag nito sa kabundukan ng Indanan. Bihag pa rin ng grupo sina John Ridsdel at Robert Hall, kapwa Canadian; Kjartan Sekkingstad, Norwegian; at ang Pinay na si Marithes Flor, na dinukot ng mga ito sa Samal Island sa Davao City.

Hawak pa rin ng grupo ang Dutch na si Ewold Horn, at ang Filipino-Chinese na si Yahong Lim Tan, sa Indanan pa rin.

Ayon sa report, bantay-sarado ang mga bihag ng may 115 armadong miyembro ng Abu Sayyaf at limang sub-leader.

(NONOY E. LACSON)