Labing-apat na overseas Filipino worker (OFW) ang nasawi habang ilan pa ang sugatan makaraang bumangga ang sinasakyang coaster sa isang delivery truck sa Al-Ahsa province sa silangang bahagi ng Saudi Arabia noong Lunes ng hapon.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose,puspusan ang pakikipag-ugnayan ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa employer ng mga Pinoy na biktima sa insidente.
Inihayag ni Jose na patuloy pang beniberipika ng DFA ang ulat na pawang mga Pinoy electrician na nagtatrabaho sa isang contracting and engineering company sa Saudi Arabia ang mga ito.
Ang nasabing coaster,na minamaneho ng isang Pakisani, ay kasama sa convoy ng pitong sasakyan na patungo sana sa kanilang tirahan matapos manggaling ang mga ito sa kanilang trabaho nang mangyari ang aksidente.
Sa lakas ng bangga, 11 ang ideneklarang dead on the spot habang dinala sa iba’t ibang pagamutan ang mga sugatang biktima samantalang nakalabas na ng ospital, kung saan nalagutan ng hininga ang isa pang Pinoy.
Tiniyak naman ng Embahada ng Pilipinas na bibigyan nila ng kaukulang ayuda ang mga biktimang Pinoy. (Bella Gamotea)