Tatlong linggo na ang nakararaan subalit hinhintay pa rin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kubrahin ng isang residente ng Malaybalay City, Bukidnon ang P278-milyong jackpot upang maging ikalawang “ultra millionaire” sa lotto draw.

Sinabi ni PCSO General Manager Jose Ferdinand M. Rojas II na isang taga-Malaybalay City, Bukidnon ang nanalo ng P277,977,308 sa 6/58 draw na may lucky number combination na 22-09-24-16-52-42.

Nang tanungin kung kinubra na ng lucky bettor ang jackpot, sinabi ni Rojas: Wala pa.

Pinalalahanan din ni Rojas ang lotto winner na mayroon lamang siyang isang taon upang kubrahin ang kanyang napanalunan at kung mabibigo siya ay kukumpiskahin ng ahensiya ang naturang halaga at isasama sa charity fund.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Aniya, hindi rin dapat itiklop, punitin, basain o plantsahin ang nanalong lotto ticket.

Ang unang Ultra lotto winner ay isang 59-anyos na kawani ng gobyerno na residente ng Leyte.

Napanalunan ng lucky bettor mula sa Leyte ang 6/58 minimum guaranteed jackpot na P50 milyon noong Pebrero 22, 2015 o 15 araw lamang matapos ilunsad ng PCSO ang Ultra Lotto sa publiko.

Ayon sa ilang opisyal ng PCSO, sadyang pinatatagal ng mga lotto winner ang pagkubra sa kanilang jackpot prize upang matiyak ang kanilang personal na seguridad.

Habang ang iba ay umuutang pa sa mga kaibigan upang magkaroon ng pambayad sa pasahe sa pagtungo sa PCSO main office sa Mandaluyong City mula sa lalawigan. (EDD K. USMAN)