Hindi nahadlangan ng matinding trapikong dulot ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) Leaders’ Summit ang Senate Electoral Tribunal (SET) upang maglabas ng desisyon sa disqualification case na inihain laban kay Senator Grace Poe hinggil sa isyu ng kanyang citizenship.

Ayon kay Senator Vicente Sotto III, hindi personalidad ang pinagbatayan nila ng boto kundi ang isyu ng libu-libong “foundling” o ampon sa bansa.

Bukod kay Sotto, bumoto para ibasura ang disqualification case laban kay Poe sina Senators Cynthia Villar, Benigno “Bam” Aquino IV, Pia Juliana Cayetano at Loren Legarda.

Pabor naman na madiskuwalipika si Poe si Senator Nancy Binay; at sina Justices Antonio Carpio, Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ipinaliwanag ni Legarda na hindi limitado sa opinyong legal ang kanyang desisyon bagkus nakasalalay daw ito sa realidad ng buhay

“We respect other decision and it was not limited to legality,” ani Legarda.

Ang kaso ay ikinasa ni Rizalito David laban kay Poe, na nanindigang iaapela niya ito sa Korte Suprema.

Hindi naman pinalampas ni Sotto ang trapiko dulot ng APEC at iginiit na kailangan niyang maglakad patungo sa Manila Polo Club sa Makati City sa ilalim ng matinding init ng araw.

“Paano ang gagawin sa lahat ng orphaned, ano ‘yan lahat ng mga ampon lahat ng ‘di kilala ang magulang at kung walang DNA, hindi kayo natural born Filipino?” giit ni Sotto.

“Libu-libo ‘yun (ampon), at hindi si Grace Poe ang isyu rito,” dagdag pa ng senador.

Kaugnay nito, nag-post naman si Poe sa kanyang Twitter account ng: “On behalf of all foundlings born and raised in the Philippines, salamat po,” na may hashtag na #LabanPOE2016.

Sa kanyang komento sa naging pasya ng SET, sinabi ni Poe: “Ako po’y taos-pusong nagpapasalamat sa mga taong pumili ng hustisya at pumili ng kung anong karapat-dapat para sa karapatan ng mga botante at lalong-lalo na para sa batang mga inabandona at iniwan.” (LEONEL ABASOLA)