Mga laro bukas
(San Juan Arena)
4pm Philips Gold vs Foton
6 pm Petron vs Cignal
Matira ang matibay sa magaganap na pares ng salpukan sa semifinals ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix bukas sa San Juan Arena.
Ito ay matapos mahawi ang paghaharap ng powerhouse Philips Gold kontra sa napakadelikadong Foton at ang 2-time na nagtatanggol na kampeon na Petron na sasagupain ang isa pang nakakatakot na Cignal sa ikalawang laro nang mapatalsik sa titulo na semifinals.
Inokupahan ng Lady Slammers sa tulong ng Amerikano nitong import na sina Bojana Todorovic at Alexis Olgard at solidong suporta ng mga homegrown ang unang puwesto matapos ang dalawang round ng eliminasyon sa paghugot nito ng walong panalo sa 10 laro.
Huling tinalo ng Lady Slammers ang defending champion na Blaze Spikers, 28-30, 29-27, 25-17 at 25-23 upang itala ang kaseryosohan nito na maangkin ang pinakaunang korona.
Gayunman, inaasahang mahaharap sa matinding pagsubok ang Philips Gold sa pagsagupa nito sa tila tigre lalo na kapag galing sa kabiguan na Foton na huling nagpalasap dito sa apat na set na salpukan noong Nobyembre 5 sa iskor na 25-14, 25-22, 18-25 at 25-18.
“Foton is a very solid team. It knows what it takes to win big games,” ang sabi ni Philips Gold coach Francis Vicente, na kinatatakutan ng eksplosibong import ng Foton na sina Katie Messing at Lindsay Stalzer. “We just have to stick to our game plan and do those little things that made us successful in the past like reception and blocking. It’s going to be a great matchup.”
Ito rin ang matinding alalahanin ng Petron na inaasahang mahihirapan sa makakasagupang Cignal.
Matatandaang ginulantang ng HD Spikers sa pinakaunang laro ng kumperensiya at unang paghaharap sa simula ng torneo ang Blaze Spikers bago na lamang nagawang makapagtala ng limang sunod na panalo ng 2-time champion at huling mabigo sa Lady Slammers.
Inaasahang isasagawa muli ng HD Spikers ang ipinakita nitong tibay at tatag noong bumangon ito sa dalawang set na kabiguan bago binigo ang Blaze Spikers, 18-25, 17-25, 25-16, 25-18 at 16-14 sa unang pinakaklasikong salpukan sa liga noong Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan City.
“Cignal plays great defense to compliment its good imports, Ariel Usher and Amanda Anderson,” nasabi ni Petron coach George Pascua, na aasahan muli ang mga Brazilian na sina Erica Adachi at Rupia Inck. “We will keep our end-game composure while guarding ourselves against over-confidence. The semifinals is a knockout game. We have to bring our best game if we want to retain the crown.”
“Bilog ang bola. Ang unang kumurap, siya ang matatalo,” tanging sinabi ni Cignal HD coach Sammy Acaylar.