OLONGAPO CITY – Dalawang residente sa bayang ito ang nagsauli ng mga gadget ng isang Amerikanong mamamahayag ng pahayagang USA Today, na nawaglit ng dayuhan nitong Lunes habang patungo sa tanggapan ng alkalde ng siyudad para sa isang panayam.

Isinauli ng tinder ng candy na si Gina Santos at ng dispatcher ng Victory Liner Bus na si German Valencia, ang mga gadget ni Thomas Maresca, ng USA Today.

Natagpuan ni Santos, na noon ay nagbebenta ng mga candy malapit sa terminal ng bus, ang mga gadget ng mamamahayag na agad niyang ini-report kay Valencia.

Itinala ni Valencia ang mga gadget na isinuko ni Santos at maingat na itinago ang mga ito sa Lost and Found section ng terminal.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Kakapanayamin ni Maresca si Olongapo City Mayor Rolen Paulino para sa isang special report tungkol sa pagbabalik ng US military sa bansa nang mabanggit ng dayuhan sa alkalde ang pagkakawaglit ng kanyang mga gadget sa istasyon ng bus.

Sa pakikipag-ugnayan ni Paulino sa pamunuan ng Victory Liner, naibalik ang mga gadget ni Maresca.

“Sila (Santos at Valencia) ang halimbawa ng mga naapektuhan na ng ‘Honesto’ syndrome sa lungsod na ito. Marami kami ritong mga tricycle driver, jeepney driver at security guard na nagsauli ng mga nawalang gamit, ipinakita ang kanilang ‘Honesto’ side,” ayon kay Paulino.

Pinuri ni Paulino sina Santos at Valencia, at idinagdag na: “Naniniwala akong lahat ng taga-Olongapo City ay ‘Honesto’.” (Jonas Reyes)