NGAYON ay National Day ng Latvia. Sa araw na ito noong 1918, pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, natamo ng Latvia ang kalayaan nito mula sa pananakop ng Russia. Ito rin ang araw na kinikilalang Proclamation of the Republic of Latvia, o “Latvijas Republikas Proklamesanas Diena”. Ang proklamasyon ng kalayaan na ginawa ng People’s Council of Latvia ay naganap sa makasaysayang gusali na nagsisilbing tahanan ngayon ng National Theater sa Riga. Ang National Day ng Latvia ay ipinagdiriwang sa pagdaraos ng mga kapistahan sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang isang nationally televised address sa mamamayan ng Pangulo ng Republika ng Latvia. Sa nakalipas na mga taon, ang talumpating ito ay inilahad sa harap ng nangagtipong mamamayan sa plaza ng Freedom Monument sa Riga.
Ang Latvia ay nasa Baltic Sea sa pagitan ng Lithuania at Estonia. Ang Riga, ang kabisera ng bansa, ay inilalarawan bilang “tahanan ng mga museo at mga simbahan, kilala sa mga kahoy na istruktura at arkitekturang art nouveau, may isang malaking Central Market at isang sinaunang Old Town.”
Batay sa mga record ng Latvian Institute, ang bansa ay isang malayang estado hanggang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang sinakop ang bansa ng puwersa mula sa Soviet Union noong Hunyo 17, 1740. Ang pagbabalik sa Kalayaan ng Republika ng Latvia ay iprinoklama noong Mayo 4, 1990. Ang ikalawang deklarasyon ng kalayaan ay ginugunita sa holiday na Restoration of Independence of the Republic of Latvia tuwing Mayo 4.
Ang Latvia ay kasapi ng iba’t ibang regional at international organization, gaya ng United Nations, ng Organization for Security and Cooperation sa Europa, ng International Monetary Fund, ng World Trade Organization, ng Council of the Baltic Sea States, ng Nordic Investment Bank, at ng European Union. Noong nakaraang taon, binuksan ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ang usapan sa pagiging kasapi ng Latvia. Enero 1, 2014 naman nang ang pera ng bansa na Latvian Lats ay palitan ng Euro.
Ang Konsulado ng Pilipinas sa Riga ang kinatawan ng bansa sa Latvia, habang mayroon namang Honorary Consulate ang huli sa Maynila. Kabilang ang Latvia sa 76 na bansa na tinukoy ng Philippine Overseas Employment Authority bilang OFW-friendly dahil sa pagtalima sa ilan sa mga probisyon ng Republic Act No. 10022, ang inamyendahang Migrant Workers Act: may umiiral na batas sa paggawa at panlipunan na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga manggagawa; lumagda o nagratipika ng multilateral conventions, declarations, o resolutions kaugnay ng proteksiyon ng mga manggagawa; at mayroong bilateral agreement o kasunduan sa gobyerno ng Pilipinas tungkol sa proteksiyon ng mga karapatan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Latvia, sa pangunguna ni President Raimonds Vejonis, at ni Prime Minister Laimdota Straujuma, sa pagdiriwang ng kanilang National Day.