Humingi ng paumanhin ang Malacañang sa publiko sa perhuwisyong idinulot ng matinding traffic bunsod ng pagsasara ng ilang kalsada sa mga motorista bilang bahagi ng seguridad para sa dadalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Muling humiling si Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. sa mamamayan ng karagdagang pasensiya dahil sa epekto ng pagsasara ng ilang lansangan na malapit sa pagdarausan ng APEC meeting.

“Hinihingi namin ang paumanhin at pag-unawa ng mga mamamayan sa mga hakbang pang-seguridad na ipinatutupad na naging dahilan upang sila ay maglakad patungo sa mga destinasyon na malapit sa venues ng APEC summit,” saad sa text message ni Coloma.

“Sana’y maintindihan ang kahalagahan ng pagpupulong na ito na maghahatid ng benepisyo sa kinabukasan,” dagdag ni Coloma.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kamakalawa, inulan ng batikos ang pamahalaang Aquino dahil sa perhuwisyong idinulot ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko dahil sa pagsasara ng ilang lansangan, tulad ng Roxas Boulevard sa Maynila at Pasay City, at ang malaking bahagi ng EDSA, bilang paghahanda sa pagdating ng mga state leader na dadalo sa APEC meeting.

Kahapon, usad-pagong ang mga sasakyan sa South Luzon Expressway at EDSA matapos isara ang ilang bahagi nito, kabilang ang Magallanes Interchange at Sales Bridge, na rito dumaan ang mga APEC leader, kabilang sina US President Barack Obama, Chinese President Xi Jinping at Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Ilang pasahero ang napilitang lumakad ng mahigit sa 10 kilometro upang makarating lamang sa kanilang destinasyon matapos maipit sa matinding trapiko. (Genalyn D. Kabiling)