Naglabas na ang Sandiganbayan ng hold departure order (HDO) laban sa isang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) at iba pang personalidad na kinasuhan sa pagbebenta umano ng P52-milyon halaga ng AK-47 assault rifle sa New People’s Army (NPA).

Ito ay matapos tuluyang ibasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang hiling ni dating Police Director Raul Petrasanta na payagan siyang makabiyahe sa Amerika upang dumalo sa kasal ng isang malapit na kaibigan at sumailalim din sa executive medical checkup.

Inatasan din ng anti-graft court ang liderato ng Bureau of Immigration (BI) na huwag ding payagang makaalis ng bansa ang mga kapwa akusado ni Petrasanta na sina dating Senior Superintendent Eduardo Acierto at Allan Pareno, at sina Superintendent Ricky Sumalde at Isidro Lozada ng CARAGA Security Agency.

Una nang naglabas ang Sandiganbayan ng HDO laban sa iba pang kinasuhan kaugnay ng naturang kontrobersiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang grupo ni Petrasanta ay kinasuhan ng multiple counts of graft kaugnay ng misteryosong pagkawala ng 1,004 AK-47 assault rifle na idinaan sa PNP Firearms and Explosives Office (FEO) subalit kinalaunan ay nadiskubreng nasa kamay na ng NPA.

Ang HDO ay nilagdaan nina Associate Justices Roland Jurado, Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at Alexander Gesmundo.

Una nang hiniling sa korte ni Petrasanta, na dating hepe ng PNP-FEO, na payagan siyang makabiyahe sa Florida, USA mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 11 upang makadalo sa kasal ng isang matalik na kaibigan. (Ben Rosario)