KAHIT na alipin pa rin ng takot at kawalang katiyakan ang Paris dahil sa mga pag-atake sa siyudad nitong Biyernes, kailangan na nitong paghandaan sa susunod na 12 araw ang pagbubukas ng 21st Conference of the Parties of the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP 21). Kapuri-puring isipin na ang isang komperensiyang kasing halaga ng COP 21 ay maidadaos pa rin sa kabila ng mga nangyari. Hindi naman maaaring lagi nang nangangamba sa kanilang kaligtasan ang mga dadalo sa mga sesyon ng napakahalagang pandaigdigang pulong.
Ang climate change conference na ito ang dahilan kaya bumisita sa Pilipinas si French President Francois Hollande noong Pebrero. Ang Pilipinas, aniya, ay aktibong sangkot sa usapin ng climate change. Ito ay dahil sa Pilipinas nanalasa ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan—ang ‘Yolanda’—noong Nobyembre 8, 2013, na ikinasawi ng mahigit 6,000 katao at mahigit 1,000 iba pa ang nawawala pa hanggang ngayon. Kaya naman sa idaraos na COP 21 conference sa Paris, inaasahan nang tutukuyin ang Pilipinas bilang isa sa pinakamatitinding naapektuhan ng climate change sa mundo.
Simula noon, binisita na ni President Hollande ang maraming iba pang bansa, nanawagan sa mga pinuno ng mga gobyerno na maghanda ng indibiduwal na programa ng mga hakbangin para sa kani-kanilang bansa, na pagsasama-samahin sa isang kasunduan na inaasahan niyang mabubuo sa Paris conference. Layunin ng magkakahiwalay na national action plan na limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa mas mababa sa 2 degrees Celsius above pre-industrial levels.
Inaasahan nating sa pagsisimula ng COP 21 conference sa Nobyembre 30 ay nagtagumpay na ang France at ang buong mundo sa pagresolba sa karamihan sa mga usaping may kaugnayan sa mga pag-atake ng mga terorista, gaya ng pagtukoy sa mga responsibilidad ng iba’t ibang magkakaugnay na operasyon sa Bataclan rock concert, sa Stade de France football game, at sa ilang restaurant, at tiyakin ang seguridad sa lugar.
Sampung buwan pa lang ang nakalipas, nitong Enero, nang atakehin ng mga Islamic extremist ang satirical na pahayagang Charlie Hebdo at pinatay ang ilang mamamahayag, kabilang ang patnugot at cartoonist nito. Noong Agosto, pinalagan ng mga biyaherong Amerikano ang isang lalaking armado ng baril bago pa ito nakapagsimulang magpaputok sa mga pasahero ng isang high-speed train. Isang UNESCIO conference tungkol sa extremism ang nakatakdang idaos sa Paris ngayong linggo, ngunit dahil sa mga pag-atake nitong Biyernes, kinansela ni Iranian President Hassan Rouhani ang kanyang pagdalo.
Para sa COP 21 sa Nobyembre 30-Disyembre 11, may 80 pinuno ng mga estado, kabilang si United States President Barack Obama, ang inaasahang dadalo. Umasa tayong sa mga panahong iyon, ang matinding takot na gumigiyagis sa Paris at France ay tuluyan nang naglaho, para bigyang-daan ang isang komperensiya ng mga world leader na magkakaroon ng napakahalagang epekto sa hinaharap ng planetang ito.