Kumpleto na ang 12 dayuhang koponan na sasabak sa isasagawang “Spike for Peace” International Beach Volley tournament na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipatulungan ng Larong Volleyball ng Pilipinas Inc., sa darating na Nobyembre 27 hanggang Disyembre 3 sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Sinabi ni PSC Consultant at Tournament Commissioner Eric LeCain na pinakahuling nagkumpirma ng kani-kanilang paglahok ang Brazil na makakabilang sa regular na koponan at ang Indonesia na parte naman sa dalawang wildcard entry kasama ang isa pang koponan ng Pilipinas.

“We have now a complete line up of a total of 14 teams,” sabi ni LeCain. “We have 12 regular teams and two wild card entries one of which was given to the host country Philippines. So we will now have two entries for the host.”

Ang dalawang koponan mula sa Pilipinas ay inaasahan naman na bubuuin ng pares nina Danica Gendrauli at Norie Jean Diaz na nagkampeon sa unang edisyon ng Philippine Super Liga Beach Volley Challenge Cup habang hindi pa nakukumpirma ang magrerepresenta sa ikalawang koponan.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Una ng hiniling ng nag-oorganisang PSC sa LVPI na mahiram ang serbisyo nina Alyssa Valdez ng Ateneo De Manila at Juvelyn Gonzaga ng Philippine Army upang irepresenta ang bansa.

Sumulat naman mismo si PSC Chairman Richie Garcia at LeCain sa LVPI upang makuha ang sanction sa torneo at makapagpadala ng manlalaro na siyang magrerepresenta sa bansa sa torneo na nakatuon din sa pagpapalakas at pagpapalaganap ng beach volley sa buong bansa.

Nagkumpirma naman ng kanilang paglahok sina Aleksanda Wachwicz at Aleksandra Wolak ng Poland, Becchara Palmer at Sarah Battaglene ng Australia, Karin Lundqvist at Anne-Lie Riniusland ng Sweden, Nadine Zumkeliv ng Switzerland, Roos Van Dev Hoeven at Mexinne Van Drield ng Netherland.

Ang iba pa ay Juliana Duita ng Indonesia, Akiko Hasegawa at Ayumi Uchida ng Japan, Radarong Udomchavee ng Thailand, Ester Ribera at Amaranta Fernandez ng Spain, Julie Tiley ng New Zealand at sina Emily Stockman at Amanda Dowdy ng United States of America. (ANGIE OREDO)