Magtatangka muli ang University of Santo Tomas (UST) ng panibagong golden double sa pagbubukas ng UAAP Season 78 judo tournament ngayong araw na ito sa La Salle-Greenhills gym.

Noong nakaraang Season 77 ay winalis ng Growling Tigers ang men’s at women’s championships para sa kanilang tatlong double crown sa nakalipas na apat na taon.

Sa taong ito, muli na namang pinapaboran ang España-based judokas para muling magkampeon sa liga.

Sa pangunguna ni MVP Al Rolan Llamas, kinolekta ng UST ang kabuuang 45-puntos upang maagaw ang titulo sa Ateneo noong nakaraang taon sa men’s division.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Sinandigan naman ng Tigresses si MVP Annie Ramirez at Princess Lucman para maangkin ang women’s championship sa nalikom nilang 42-puntos kontra pinakamalapit na katunggaling Lady Eagles.

Magsisimula ang torneo ganap na ika-8:30 ngayong umaga.

Nasa ilalim ng paggabay ng dating sportswriter na si Gege Arce, ang UST ang may pinakamatagumpay na judo program sa UAAP matapos magwagi ng kabuuang 11 men’s at 7 women’s titles.

Samantala sa juniors division, inaasahan naman na muling mangingibabaw ang Ateneo sa pamumuno ni reigning MVP Christian Clemente at last year top rookie Jose Ariel Querubin. (Marivic Awitan)